MANILA, Philippines – Sinabi ng Philippine National Police (PNP) nitong Miyerkules na lumabas sa resulta ng kanilang imbestigasyon na walang mga pulis at pulitiko na sangkot sa pagtakas ng natanggal na Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo noong Hulyo.
Ito ang ipinaabot ng PNP sa pamamagitan ni Senate Majority Leader Floor Leader Francis Tolentino na dumepensa sa budget ng kapulisan sa pagpapatuloy ng deliberasyon sa plenaryo ng Senado sa plano ng paggastos para sa 2025.
Si Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros ang nagtanong tungkol sa updates sa internal investigation ng PNP sa pagtulong umano ng ilang pulis sa pagtakas ni Guo.
“Nagkaroon ng imbestigasyon at ang resulta ay wala talagang natukoy na kasangkot sa miyembro ng Philippine National Police,” ani Tolentino, na nagsasalita sa ngalan ng PNP.
Tinanong naman ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada kung ang mga imbestigasyon ay nagpakita ng anumang pagkakasangkot ng mga pulitiko sa pagtakas ni Guo.
“Base rin po sa imbestigasyon kay Alice Guo sa custodial investigation, wala rin pong natukoy na involved na pulitiko, your honor,” tugon naman ni Tolentino.
Sa isang privilege speech noong Agosto, unang ibinunyag ni Hontiveros na umalis si Guo ng bansa at dumating sa Malaysia noong Hulyo.
Ang dating alkalde ay nahuli sa Indonesia at itinurn-over sa mga awtoridad ng Pilipinas noong Setyembre 5.
Si Guo ay nahaharap sa isang qualified human trafficking case sa Pasig court at graft case sa Valenzuela court dahil sa umano’y pagkakasangkot niya sa POGO hub sa Bamban, Tarlac kung saan siya dating alkalde.
Ang na-dismiss na alkalde ay nahaharap din sa isang tax evasion complaint, 87 counts para sa money laundering, at isang perjury at falsification complaint sa Justice Department. RNT