KUNG mamalasin nga naman tayo, eh, gayun na lamang.
Akalain ba natin, kalalabas lang ang bagyong Nika, narito naman si Ofel na maaari nang tatama sa kalupaan sa Isabela o Cagayan mula sa Catanduanes sa hapon ngayong araw.
Ayon sa PAGASA, mga Bro, maaari ring aabot sa signal number 4 ito bagama’t signal number 1 na ang nakataas sa Babuyan Islands, Cagayan, Apayao, Kalinga at Ifugao.
Ang signal number 4 na hindi aabot sa 185 kilometro kada oras ang lakas ng hangin, eh, halos super typhoon na rin kung manalasa.
Hindi lang ‘yan, may namumuo na namang bagyo sa lugar na pinagmulan nina Nika at Ofel at kung nabuo na ito bilang bagyo, tatawagin namang Pepito.
SIRA LAHAT SA AGRIKULTURA
Sa northern Luzon, puro kasiraan pangunahin sa agrikultura ang nagaganap.
Palay at gulay ang pangunahing sira bagama’t naaapektuhan din ang mga alagang hayop gaya ng mga manok at baboy.
Ang mga alagaan ng mga isda gaya ng mga fishpond, marami ang pinaluwa ng mga baha at nagsilayasan ang mga isda at hipon.
Kung may nabubuhay man, mga kangkong at kamote na lalong nabubuhay kapag may mga tubig o basa ang kalupaan.
Kaugnay nito, marami namang isda na nahuhuli sa mga ilog ang nagmumula sa mga kabundukan.
Gayunman, dahil malalakas at mabibilis ang agos sa mga ilog, hindi gayun kadali ang pangingisda dahil nakamamatay.
Ang mga mangingisda sa karagatan, pinagbabawalan namang pumalaot katulad sa pagdating ni Nika.
Bawal pumalaot ang maliliit na mangingisda dahil umaabot sa 3 metro ang taas ng mga alon na delikado sa malilit na bangka.
Para sa mga nasiraan ng palay, aabot ng apat na buwan bago sila makapag-ani makaraan silang magtanim muli.
Sa mga may alagang manok at baboy, aabot ng 45 days ang pag-aani para sa mga magmamanok at 4-7 buwan sa mga magbababoy.
Ganyan katitindi ang kalagayan ng mga magsasaka at mangingisda.
Ang mga magsasaka at mangingisda ang higit na nahihirapan sa ganitong kalagayan at maaaring magiging malungkot dahil sa kawalan ang darating na Pasko sa kanila.
BUONG GOBYERNO DAPAT KIKILOS
Dahil sa malawakang kasiraan at matagalang kawalan, mga Bro, nangangailangan ang milyong mamamayang biktima ng kalamidad ng malawakan at matagalan ding ayuda.
Kabilang sa mga ito ang pagpapairal dapat ng Department of Labor ng programa nitong livelihood and job creation program.
Dapat din maging aktibo ang Department of Agriculture sa pagpapautang o pamimigay ng mga matagalang ayuda sa anyo ng mga makinarya, binhi, abono at iba pa.
Ipinagmamalaki ng gobyerno ang pagkakaroon nito ng bilyon-bilyon pisong pondong pangkalamidad at kung totoo ito, paano ibibigay sa mga biktima para sa pangmatagalang mga programa?
Alalahaning, marami nang local government unit ang nagsasabing nasasaid na ang kanilang mga pondong pangkalamidad dahil sa kadena ng mapaminsalang mga bagyo, baha at landslide.