Home OPINION MALI, ‘DI MAITATAMA NANG GALIT NG CHINA

MALI, ‘DI MAITATAMA NANG GALIT NG CHINA

SA kabila ng laging deklarasyon nito sa media na ang hangad daw nito ay mapayapang bilateral settlement sa agawan sa teritoryo sa mga bansang nakapaligid sa South China Sea, maliwanag na nakatuon ang China sa panggigipit at pag-aangkin sa mga shoals at islang mas malapit sa ibang bansa, gaya ng Pilipinas.

 Sa kanyang talumpati sa Australia, ramdam ang pagkaalarma sa mga sinabi ni Philippine Defense Secretary Gilberto Teodoro: “China is pushing us, with increasing audacity, to yield our sovereign rights in our own waters.”

Hindi na mabilang ang paulit-ulit na engkwentro sa mga pinag-aagawang lugar, tulad sa Scarborough Shoal, at kamakailan lang, 29 na barko ng Chinese Coast Guard ang nagpapatrolya sa ating West Philippine Sea. Lalo lang nalalagay sa alanganing posisyon ang Manila.

Nakalulubag naman ng loob ang paninindigan ng mga bansa, gaya ng Australia, na pabor sa atin, at ang pakikipag-usap ni Teodoro kay Australian Defense Minister Richard Marles ay nagpapatunay, kahit paano, sa dumadaming alyansa ng ating bansa laban sa tumitinding pambu-bully ng China sa South China Sea.

 Gayunman, nariyan pa rin ang dambuhalang ‘question mark’ kung ang ipinangako bang suporta ng ating mga kaalyado ay kasing tatag ng determinasyon ng China na angkinin ang ating mga karagatan, o sa huli ba, kapag nagkagipitan na, mag-isa lang nating ipaglalaban ang ating mga dalampasigan?

 Tulad ng Amerika, ang interes ng mga bansang ito ay kapareho ng sa atin, pero sa huli, pipiliin ng anomang bansa ang pansarili nilang kapakanan kaysa magsakripisyo. Para sa Pilipinas, nangangahulugan ito ng kahandaan na mag-isang ipagtanggol ang ating soberanya, palalakasin ang loob sa mga udyok ng suporta mula sa mga bansang kaibigan natin.

Ito na ngayon ang konsiderasyon para sa atin dahil mismong matataas na opisyal ng gobyerno ang nag-aalanganin. Umapela sina Senate President Chiz Escudero at Senator Imee Marcos ng matamang pagsusuri sa sarili nating depensa, hinimok ang Pilipinas na bawasan ang pagdepende sa mga kaalyadong bansa at sa halip ay palakasin ang sarili nating industriya ng depensa.

Sa totoo lang, malinaw naman ang masaklap na katotohanan: kahit ano pang tatag ng alyansa natin sa mga dokumento, ang tungkuling ipagtanggol ang ating karagatan, ang ating teritoryo, at ang ating dignidad ay nakasalalay lang talaga sa atin.

Ang mungkahi ni Sen. Marcos na magkaroon tayo ng depensang mula sa sarili nating industriya ay isang hakbang patungo sa tamang direksyon. Ang pagpapahusay ng ating kapasidad na protektahan ang sarili nating mga dalampasigan ay hindi lang isang estratehikong hakbangin — isa itong usapin ng ‘survival’.

Ang ating mga batas, gaya nang kalalagda lang na Maritime Zones Act, ay klaro: hindi magpapatinag ang Pilipinas sa mga pambu-‘bully’, at lalong hindi ipauubaya ang teritoryo nito upang pakalmahin ang Beijing. Dahil sa bawat pulgada ng teritoryong ipinagwawalang-bahala natin, lalo naman nagiging gahaman sa kapangyarihan ang China.

Dapat na magsilbi itong ‘wake-up call’: ang ating mga kaalyado, bagamat mahalaga, ay bahagi lamang ng kabuuan. Ang iba pang parte  — iyong higit na importante — ay ang sarili nating kahandaan, sarili nating kagitingan, at sarili nating kagustuhan na manindigan nang mag-isa kung kinakailangan.

Sa ngayon, ang pagsasabatas sa kalalagda lang na Maritime Zones Act at Archipelagic Sea Lanes Act ang nagbibigay sa Pilipinas ng matatag at may prinsipyong paninindigan laban sa China, pinagtitibay ang lehitimo nating nasasakupan at hangganan at nagtatakda ng mga legal na ruta sa ating mga karagatan.

Bagamat hanggang dokumento pa lamang ang mga batas na ito, binibigyan nito ng linaw ang ating mga pag-aangkin, alinsunod sa pandaigdigang batas. At ang galit ng Beijing — batay sa agaran nitong pagpapatawag sa ating ambassador bilang pagtutol — ay lalo lamang nagpatatag sa kahalagahan ng mga batas na ito.

                                *         *         *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).