MANILA, Philippines – Ipinag-utos ng National Police Commission (NAPOLCOM) na tanggalin sa trabaho ang isang police major na isang instructor sa Philippine National Police Academy (PNPA) sa Silang, Cavite, matapos mapatunayang guilty sa Grave Misconduct and Conduct Unbecoming of a Police Officer.
Nag-ugat ang kaso sa reklamong sexual assault na inihain ng isang kadete ng PNPA, na inakusahan ang opisyal ng pagpilit sa kanya na magsagawa ng oral sex sa loob ng quarters ng opisyal noong Hulyo 31.
Ayon sa imbestigasyon, nakita ng mga rumespondeng opisyal na halatang distressed ang kadete nang dumating sila sa pinangyarihan.
Ang kanilang mga sinumpaang salaysay ay sumuporta sa mga paratang laban sa police major.
Sa desisyon nito, pinasiyahan ng NAPOLCOM na inabuso ng opisyal ang kanyang awtoridad bilang superior officer para makakuha ng sexual gratification, na bumubuo ng Grave Misconduct sa ilalim ng Article 336 ng Revised Penal Code (Acts of Lasciviousness).
Sinabi ng komisyon na ang kanyang mga aksyon ay isang malubhang paglabag sa etikal na pamantayan at nagdulot ng kahihiyan sa PNPA at Philippine National Police.
“The NAPOLCOM will never condone any act of sexual misconduct by anyone in the police force, regardless of rank,” ayon kay NAPOLCOM chief Commissioner Rafael Vicente Calinisan.
“His acts are despicable and should be strongly condemned and punished. He is unfit to continue wearing the police uniform,” saad pa niya.
Binigyang-diin ng opisyal ng NAPOLCOM na ang pagpapatalsik sa opisyal ng pulisya ay nagpapatunay sa zero-tolerance policy ng komisyon sa imoralidad at pag-abuso sa kapangyarihan sa loob ng serbisyo ng pulisya. RNT/MND