MANILA, Philippines — Iginiit ni dating Department of Education (DepEd) Undersecretary Michael Poa na ang pagbili ng impormasyon mula sa mga informant gamit ang confidential funds ay hindi awtomatikong nangangahulugang magtatagumpay ang information-gathering operation.
Nagtestigo si Poa nitong Miyerkoles, Setyembre 2, sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte kaugnay ng paggamit ng DepEd ng confidential funds noong panahon nito bilang kalihim ng edukasyon. Idineklara siyang hostile witness ng impeachment court bago ang pagtatanong ng prosekusyon.
“Hindi kailangan na kapag bumili ka ng information, necessarily, ’pag nakuha mo ’yung information, it will result to success,” ani Poa nang tanungin ni private prosecutor Benjamin Tolosa Jr. tungkol sa documentary requirements sa ilalim ng Joint Circular No. 2015-01.
Nilinaw din ni Poa na maaaring wala pang resulta ang nakuhang impormasyon sa panahong kinakailangan nang magsumite ng supporting documents sa Commission on Audit (COA).
Sa ilalim ng Joint Circular No. 2015-01, pinapayagan bilang confidential expense ang pagbili ng impormasyong kailangan para sa mga programang may kaugnayan sa national security at peace and order. Hiwalay namang nakasaad sa circular na ang pagbabayad ng rewards sa informants ay dapat suportado ng dokumentong nagpapatunay sa tagumpay ng information-gathering o surveillance activity na bunga ng ibinigay nilang impormasyon.
Tumestigo rin si Poa na humingi siya noon ng military certifications kay dating DepEd Undersecretary Nolasco Mempin para sa liquidation ng P15.5 milyong confidential funds ng ahensya.
Nauna namang sinabi ng mga opisyal ng Philippine Army na ang mga certification na kanilang inilabas ay hindi nilalayong patunayan kung paano ginamit ng DepEd ang confidential funds at wala silang personal na kaalaman sa aktuwal na paggastos nito. RNT