Home NATIONWIDE Poe nabahala sa critically endangered Mindoro tamaraw

Poe nabahala sa critically endangered Mindoro tamaraw

1
0

MANILA, Philippines – Nagpahayag ng pag-aalala si FPJ Panday Bayanihan Party-List Rep. Brian Poe sa patuloy na banta sa critically endangered na Mindoro tamaraw, na aniya ay maaaring tuluyang mawala kung hindi mapalalakas ang pangangalaga sa tirahan nito, pagpigil sa illegal hunting at pagpopondo sa conservation efforts.

Sa kanyang privilege speech sa House of Representatives, sinabi ni Poe na mahigit 10,000 tamaraw ang dating gumagala sa Mindoro noong unang bahagi ng 1900s. Pagsapit ng 2025, bumaba umano ang populasyon sa tinatayang 300.

Batay naman sa tala ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Mimaropa, tumaas ng 12 porsyento ang populasyon nito, na nagdala sa tinatayang bilang sa 425.

Gayunman, sinabi ni Poe na nananatiling mababa at delikado ang naturang bilang.

“I stand before you not just as a legislator, but as a Filipino grieving for a piece of our heritage that is slipping through our fingers,” ani Poe.

Binigyang-diin niya na patuloy na nanganganib ang tamaraw dahil sa pagkasira ng kanilang habitat dulot ng kaingin, pagpapalawak ng sakahan, pagpapastol ng hayop at iba pang aktibidad na sumasakop sa kanilang likas na tirahan.

Kabilang sa mga lugar na binanggit ni Poe ang Mounts Iglit-Baco Natural Park, Aruyan-Malati at Upper Amnay Watershed, na nakararanas umano ng pressure mula sa unregulated kaingin, resource extraction at agricultural expansion.

Ayon kay Poe, hindi na bago ang banta sa populasyon ng tamaraw. Noong 1930, isang malawakang outbreak ng rinderpest ang pumatay umano sa libu-libong tamaraw.

Sa kasalukuyan, sinabi niyang bukod sa sakit ay lumalaki rin ang epekto ng paglawak ng aktibidad ng tao sa kanilang tirahan.

Patuloy rin umanong problema ang illegal hunting kahit may mga batas na nagpoprotekta sa species, kabilang ang Republic Act No. 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act at RA 1086 na nagbabawal sa pagpatay ng tamaraw.

Binanggit ni Poe ang mga insidente noong panahon ng pandemic lockdown kung saan isang subadult tamaraw at isang yearling ang iniulat na binaril at pinatay ng mga poacher at ginawang tuyong karne para ibenta.

“They made our national treasure into tapa,” ani Poe.

Binigyang-pansin din ng mambabatas ang mga Bantay Tamaraw ranger ng Tamaraw Conservation Program at mga indigenous Mangyan community, kabilang ang Tau-Buid, na naninirahan sa mga lupang ninuno na pinagsasaluhan nila ng mga tamaraw.

Ayon kay Poe, nagpapatrolya ang mga ranger sa tinatayang 75,000 ektaryang lugar, nagmomonitor ng populasyon ng tamaraw at genetic concerns, at humaharap sa banta mula sa mga armadong poacher.

Gayunman, sinabi niyang nahahadlangan ang conservation efforts dahil sa kakulangan ng pondo at kagamitan.

Ayon sa kanyang speech, naapektuhan din ng mga budget cut noong pandemya ang kanilang trabaho at job security.

Mayroon nang mga conservation framework ang pamahalaan na maaaring gamitin upang palakasin ang proteksyon sa tamaraw.

Sa ilalim ng Philippine Biodiversity Strategy and Action Plan (PBSAP) 2024–2040, tinatayang nangangailangan ng P92.8 bilyon kada taon ang biodiversity conservation sa buong bansa.

Para sa fiscal year 2026, gayunman, P308 milyon lamang umano ang budget ng Biodiversity Management Bureau (BMB) ng DENR, ayon sa speech ni Poe.

Binanggit din niya ang Tamaraw Conservation Management Action Plan (TOMAP) na naglalayong mapataas ang populasyon ng tamaraw sa 2,000 pagsapit ng 2050.

Hinimok ni Poe ang pamahalaan, mga mambabatas at publiko na palakasin ang pagpapatupad ng mga conservation program, kabilang ang sapat na pondo, law enforcement, education programs tulad ng Dalaw-Turo at information campaigns.

Nanawagan din siya para sa patuloy na proteksyon sa natitirang habitat ng tamaraw upang hindi lamang alaala ng mga susunod na henerasyon ang endemic species ng Mindoro.

“Let’s revive the forests of Mindoro. Let it not be written in history that the generation that had the tools to save the tamaraw was the very generation that watched it die out,” ani Poe. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here