MANILA, Philippines – Nagbabala si Senador Risa Hontiveros nitong Biyernes, Oktubre 11 sa mga opisyal na huwag maging kampante kasunod ng pagkakaaresto sa umano’y POGO “kingpin” na si Lyu Dong, sa pagsasabing mahihirapan itong makabuo ng koneksyon at makapag-operate kung wala ang tulong ng ilang tao mula sa pamahalaan.
Si Hontiveros ang chairperson ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality, na bumubusisi sa illegal POGOs sa bansa.
“Sa dami ng mga in-operate na POGO hub ni Lyu Dong, hindi niya ito pwede nagawa ng walang kumanlong na kawani ng gobyerno. I hope that we can also identify the Filipino associates of Lyu Dong,” saad sa pahayag ni Hontiveros.
“There are bigger bosses out there. Dapat natin silang mahuli, at dapat silang managot sa kanilang mga krimen laban sa napakaraming inosenteng tao,” dagdag pa niya.
Nitong Huwebes, Oktubre 10 ay naaresto ng mga awtoridad si Lyu Dong, o Lin Xunhan sa tunay na pangalan.
Siya ang itinuturong “big boss” ng ni-raid na POGO firm na Lucky South 99 sa Porac, Pampanga.
ANg pagkakaaresto sa kanya ay dahil sa pinagsanib na pwersa ng Bureau of Immigration, Department of Justice, Intelligence Service of Armed Forces of the Philippines (ISAFP), Inter-Agency Council Against Trafficking at Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).
Kamakailan ay sinabi ng PAOCC na si Lyu Dong ay nakakuha ng bansag na “kingpin of POGOs” dahil sa umano’y naitatag nitong malaking network ng scam operations o scam farms sa limang rehiyon sa bansa matapos dumating sa Pilipinas noong 2016.
Umaasa naman si Hontiveros na maaresto rin ang iba pang “big bosses” katulad nina Duanren Wu, Zhang Jie, at Huang Zhiyang. RNT/JGC