Home METRO Pogo buking sa hirit na high-speed internet sa maliit na resort sa...

Pogo buking sa hirit na high-speed internet sa maliit na resort sa Moalboal

CEBU CITY, Philippines- Dahil sa hindi pangkaraniwang hirit na mabilis na internet para sa isang maliit na resort, nadiskubre ng mga awtoridad sa bayan ng Moalboal, southwestern Cebu ang potensyal na illegal Philippine Offshore Gambling Operation (Pogo).

Nitong Miyerkules, sinalakay ng mga pulis ng Moalboal ang isang maliit na resort sa Brgy. Saavedra kung saan nahuli nila ang 38 undocumented Chinese nationals na sangkot umano sa Pogo activities.

Kinumpirma naman ni Moalboal Mayor Inocentes Cabaron na nag-ugat ang operasyon sa tip ng isang concerned citizen, na nagsabing mayroong mga turistang nananatili sa isang resort na tinatawag na Happy Bear Villa sa Brgy. Saavedra na bigla na lamang humirit ng high-speed internet doon.

Sa isang teleconference nitong Huwebes, inihayag ni Cabaron na ito ang naging dahilan ng pagsasagawa ng lokal na pamahalaan at ng kapulisan ng masusing imbestigasyon.

“The police had informed us that a possible sign pointing to Pogo activities would be making sudden requests for high-speed internet,” pahayag ni Cabaron.

Hiniling niya sa Bureau of Fire Protection (BFP) na magsagawa ng fire inspection sa establisimiyento, na naglahad sa Moalboal Police Station ng kanilang mga natuklasan.

Batay sa impormasyon mula sa BFP, sinabi ni Cabaron na mayroong dose-dosenang Chinese nationals na nananatili sa resort at hindi makaintindi ng salitang Ingles.

“Since it was already beyond the BFP’s job to probe, they provided these information to the police. It was then the police who conducted further investigations and finally made the raid,” dagdag ng alkalde.

Base sa opisyal, aktibong binabantayan ng pamahalaan at ng law enforcement sa kanilang munisipalidad ang posibleng Pogo hubs sa kanilang lugar kasunod ng pagsalakay sa Lapu-Lapu City, Mactan noong Setyembre.

Inatasan na ng municipal government ng Moalboal ang barangay officials nito na patuloy na bantayan at agad na iulat ang anumang hinihinalang Pogo hubs sa kani-kanilang hurisdiksyon.

“We need to stay vigilant,” giit ni Cabaron. RNT/SA