MANILA, Philippines- Binabalak ng pamahalaan na gamitin ang Philippine Offshore Gaming Operator (Pogo) hubs sa bansa, ayon sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) nitong Miyerkules.
Ayon kay PAOCC executive director Usec. Gilbert Cruz, makikipag-ugnayan sila sa Department of Interior and Local Government (DILG) na pinamumunuan na ni Jonvic Remulla, at sa Inter-Agency Task Force (IATF) upang siyasatin ang mga opsyon para gamitin ang Pogo hubs bilang mga pasilidad tulad ng paaralan at government buildings.
“Pag-uusapan po namin ‘yan with the Inter-Agency Task Force natin ano, at of course ‘yung DILG po kasama na natin dyan, si DILG Remulla, kung ano po ang balak. Kasi ‘yung Pogo hubs na na-hold na po natin nung nakaraan, may balak na po dyan. Actually, subject na po ng criminal forfeiture cases ‘yan at civil forfeiture cases,” ani Cruz sa isang panayam.
Dagdag niya, magiging kapaki-pakinabang para sa mga komunidad kung kukunin ng pamahalaan ang sinalakay na Pogo hubs, partikular ang mga nasa Porac, Pampanga at Bamban, Tarlac.
“May mga kapakinabangan naman pong mangyayari kung sakaling makuha po ng gobyerno ‘yung Pogo hubs na ‘yan, lalo na po itong sa Porac at sa Bamban. Pwede po gawing eskwelahan po ‘yan, ‘yung Porac tsaka Bamban po,” ayon sa PAOCC executive director.
“‘Yung isang Pogohan sa ngayon po dito sa Pasay, ginawa na po nating kulungan ‘yan at rescue center ng DSWD,” pagbibigay-halimbawa ng opisyal.
Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagbabawal ng Pogos sa bansa sa kanyang State of the Nation Address noong Hulyo. RNT/SA