MANILA, Philippines- Sinalakay ng National Bureau of Investigation (NBI) ang umano’y pasilidad ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa Paranaque City na sangkot sa love at investment scams.
Huli naman ang 450 indibidwal na nagtatrabaho at inabutan sa POGO hub na karamihan ay Chinese, Vietnamese, Indonesian at Myanmar nationals.
Sinubukan pang tumakas ang ilang dayuhan ngunit hindi sila nakaligtas sa mga operatiba ng NBI at BI.
Ayon sa NBI, sinalakay ang ilang palapag ng gusali ng malaking POGO scam hub. Katuwang ng ahensya ang Bureau of Immigration (BI) sa nasabing operasyon.
Base sa nadiskubreng scripts sa mga computers, sangkot ang mga dayuhan sa love at investment scams.
Sinabi ni NBI Director Judge Jaime Santiago, marami pa ring nabibiktima ang mga natitirang mga POGO na nanatili sa Pilipinas.
Sa kabila ng pagbabawal sa POGO sa bansa ay wala pa ring plano ang grupo na tigilan ang kanilang operasyon.
Ayon naman kay Bureau of Immigration (BI) Commissioner Joel Anthony Viado, ang operasyon ng nasabing POGO hub ay isinailalim sa surveillance proceedings sa loob ng mahabang panahon.
Ayon pa sa BI, ang mga inabutang mga dayuhan ay nakasalang para sa pagsasanay o training para sa paggawa ng mga aktibidad sa POGO.
Isasailalim ng NBI sa pagsusuri ang mga nakumpiskang mga cellphones at computers ng sinalakay na hub. Jocelyn Tabangcura-Domenden