Home METRO LGU pagpapaliwanagin sa scam hub ops sa P’que – SILG Remulla

LGU pagpapaliwanagin sa scam hub ops sa P’que – SILG Remulla

MANILA, Philippines- Hihingan ng paliwanag ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang Parañaque government kaugnay sa sinalakay na kompanya sa lungsod na umano’y sangkot sa scam hub operations.

Ang pagsalakay ay nangyari ilang araw matapos ang December 31, 2024 deadline para sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa.

“Magsusulat kami sa LGU para… manghihingi kami ng paliwanag kung ano talaga ang nangyari,” ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla.

Ito’y matapos salakayin ng mga awtoridad ang kompanya sa lungsod na nagresulta sa pagkaaresto sa 400 dayuhan.

Gayunman, naniniwala si Remulla na walang kamalay-malay ang lokal na pamahalaan sa presensya ng kompanya lalo pa’t hindi naman nainspeksyon ang lugar na pinangyarihan ng pagsalakay.

“Hindi pa alam ng Parañaque ‘yan kasi hindi pa nag re-renew ng business permit. Doon lang naman pumapasok ‘yan, basta nag re-renew ng business permit ‘yan,” ang sinabi ng Kalihim.

Aniya pa, wari’y nag-ooperate ang hub noon bilang POGO sa ilalim ng the Philippine Amusement and Gaming Corporation.

“They supposedly shut down [on] December 15 pero nag resume kaagad sila right after ng December 31. Chineck natin ‘yung mga buildings na ‘yun wala na sila doon pero bumalik at bumalik sila,” ang sinabi pa rin ni Remulla.

Samantala, sinabi naman ni Immigration Commissioner Joel Viado na nakikipag-ugnayan na ang Bureau of Immigration sa National Capital Region Police Office hinggil sa detensyon ng mga foreign national. Kris Jose