Home NATIONWIDE POGO protectors mula sa ‘middle to higher ups’ sa gobyerno – solon

POGO protectors mula sa ‘middle to higher ups’ sa gobyerno – solon

MANILA, Philippines- Nanggagaling ang government officials na pumoprotekta umano sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa “middle to higher ups,” base kay Senator Sherwin “Win” Gatchalian.

Inihayag ito ng senador kasunod ng pagsasagawa nila ni Senator Risa Hontiveros ng physical inspection ng Zun Yuan Technologies compound sa Bamban, Tarlac, na sinalakay noong Marso ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).

Isa sa mga villa ang mayroong tunnel patungo sa labas ng compound.

Ani Gatchalian, nakatanggap siya ng impormasyon ukol sa umano’y protectors ng POGO sa kanilang closed-door meeting nitong Miyerkules kasama ang PAOCC officials.

“Ito yung mga enforcing agencies na nagpapatupad ng batas na may kaugnayan sa POGO at may kaugnayan sa peace and order. I won’t name it now dahil under investigation but when the comes, ilalabas din natin yan especially during the hearing,” wika ni Gatchalian.

“From middle to high (level officials protecting POGO) yung information. Dahil yung lowest parang pwede namang utusan nung high eh. So ang theory nitong POGO, ay pwede na naming utusan dahil dumiretso na kami sa taas,” dagdag ng senador.

Umaabot umano ng milyon-milyong piso ang suhol kapalit ng proteksyon, base kay Gatchalian.

“Meron ding ganun (monthly stipend). Base sa mga briefing naming may monthly allowance, and may mas malaking suhol pag may raid… pipigilan yung raid eh. So para mapigilan yung raid, magsusuhol uli sila,” aniya.

Sa nasabing pulong, ipinakita rin umano ng PAOCC officials ang mga pangalan at larawan ng POGO protectors sa gobyerno, ayon kay Gatchalian.

“Based on the briefing and information, naka-penetrate na sila sa mga enforcers natin. So malakas yung loob nila na kung mahuli ako, kaya kong mahuli yung mga otoridad, kaya kong lampasan yung mga kasong ipa-file sa akin at makakawala rin ako,” ani Gatchalian, na nagsusulong ng total ban ng POGOs sa bansa.

“Nagulat ako, actually kinilabutan ako kasi actually yun na nga ano? Etong mga taong ito alam din nilang maglagay, alam din nilang manuhol. At malaki yung perang umiikot,” giit ng senador.

Nagsasagawa rin umano ang PAOCC ng surveillance operation laban sa 100 pang POGOs.

Inihayag ni Gatchalian na kailangang buwagin ang POGOs sa bansa.

Wika niya, sinasagot ng pamahalaan ang P90 milyong gastos para pakainin ang kada batch ng nasagip na POGO workers, bukod sa kanilang gamot at iba pang pangangailangan hanggang tuluyan silang makaalis ng bansa.

“Yung ganitong paghuli ay pag-deport hindi libre. Krimen na dinala nila, tayo pa ang gagastos para paalisin sila,” giit ni Gatchalian. RNT/SA