Home NATIONWIDE Police Sergeant, inaresto matapos matakasan ng preso

Police Sergeant, inaresto matapos matakasan ng preso

233
0

MANILA, Philippines – Isang police sergeant ang inaresto ng National Capital Region Police Office (NCRPO) matapos na matakasan ng isang preso ang detention facility ng Police Substation 6 sa Caloocan City.

Ayon kay NCRPO Director Maj. Gen. Anthony A. Aberin, nadiskubre ang insidente sa isinagawang audit ng mga Person Under Police Custody (PUPC) sa nasabing istasyon.

Lumabas sa imbestigasyon na nakatakas ang isang bilanggo noong gabi ng Hunyo 8, ngunit Lunes ng gabi na lamang ito nalaman ng mga awtoridad.

Napag-alaman din na hindi iniulat ng nakatalagang duty jailer, isang police staff sergeant, ang naturang pagtakas.

Bandang alas-10:00 ng umaga kahapon, naaresto ang pulis sa kahabaan ng Samson Road, Barangay 8, Caloocan City dahil sa kapabayaan sa tungkulin.

“Agad na beripikasyon at imbestigasyon ang nagpakita ng mga pagkukulang sa mga pamamaraan ng kustodiya,” ani Aberin.

Kasalukuyang nahaharap ang pulis sa kasong paglabag sa Artikulo 224 ng Revised Penal Code (Infidelity in the Custody of Prisoner o Evasion through Negligence).

Ayon pa kay Aberin, ang hakbang ay alinsunod sa direktiba ni PNP Chief Gen. Nicolas Torre III na habulin ang mga pulis na lumalabag sa batas.

“Ang NCRPO ay magiging matatag sa aming mga aksyon laban sa mga miyembro ng pwersa ng pulisya na lalabag sa batas. Sa paggawa nito, tinitiyak namin na ang kanilang mga karapatan ay igagalang at ang tamang proseso ng batas ay susundin. Ang mga aksyon ng NCRPO ay malinaw na nagpapakita na walang sinuman ang nakatataas sa batas—lalo na ang mga pinagkakatiwalaang ipatupad ito,” dagdag ni Aberin. Merly Duero

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here