Home OPINION POLITICAL DRAMA

POLITICAL DRAMA

KASISIMULA pa lang ng 2024 ay meron nang gyera na sumasabog sa mundo ng online. Hindi ito labanan ng mga talakera sa showbiz o banggaan ng mga maalalaking negosyante. Saan pa ba kundi sa politika ng bansa.

Anyare sa “Unity Team”?

Hindi na tinatago ang bangayan ng mga paksyon ng taga-suporta ni Pangulong BBM at ni VP Inday Sara. Wala ng duda na nalulusaw na nga ang tambalan ng Solid North at ang dinastiya ng Davao. Tama nga ang mga komentarista noong 2021, na ang pagsasama nila ay para lang makuha ang mga boto, at hindi ang iisang plataporma ng pamamahala.

Bakit ba nagkatampuhan? O mas malalim na nga siguro ang paghihiwalay ng landas.

Akala kasi ng marami, ang sosyohang Marcos-Duterte ay pagpapatibay ng hawak sa politika ng dalawang pamilya, para maseguro nila ang kapit sa kapangyarihan sa susunod na labindalawang taon, katumbas ng dalawang termino ng Presidente. Kumbaga eh, nagkasundo na paghatian ang liderato ng bansa at magbibigayan lang sila ng panahon para sa mga susunod na henerasyon ng mga pulitiko.

Pero hindi pa natapos ang 2023 ay sumambulat na ang tunggalian.

Binaliktad niP BBM ang polisiya sa West Philippine Sea at lumapit tayo muli sa mga Amerikano at mga karatig na bansa na Japan, Australia at South Korea. Pinalaya si dating Senador Leila de Lima at mukhang papasukin na ang imbestigasyon ng International Criminal Court o ICC tungkol sa malagim na gyera ng droga ni Digong.

Samantala, nagtangka ang kampo ni VP Sara na palitan si Speaker Romualdez sa Kamara, at pinatindi ni VP Sara ang pag-iingay sa suporta sa China at ang pagkuha ng mga confidential at intelligence funds. Medyo lantaran rin ang tukod ni VP sa NTF-ELCAC at sa mga propagandista ng SMNI.

Mahigit isa’t-kalahating taon pa ang mid-term elections ng 2025, pero lahat ng indikasyon ay magsasabong ang mga pamilya ng Marcos at Duterte. Sigurado na ito.

Ang hindi lang tayo sigurado ay kung may pakinabang ba ang mga Pilipino sa political na drama na ito.

Previous articleDiokno out, Recto in bilang DOF chief
Next articleMARAMING MAMAMATAY SA GYERANG DROGA – ECUADOR GOV’T