Home OPINION POREBER NA ELECTRIC FAN SA PABLIC ISKUL

POREBER NA ELECTRIC FAN SA PABLIC ISKUL

ALAM ba ninyong isa sa mga pinakakontrobersyal na project sa mga pablik iskul ang electric fan?

Kahit bukas ang mga bintana at tag-ulan, mainit ang klasrum kapag bukas ang mga ilaw at nagsasama-sama at nagsisiksikan na ang nasa 40-70 estudyante at isang titser.

Lalong mainit kung tag-init, may El Niño man o wala kahit hindi mo sabihin.

BAWAL BA O HINDI?

Bali-balita sa mga magulang, walang proyektong electric fan ng parents-teachers association ngayong pasukan sa mga elementarya sa maraming lugar.

Bawal daw.

Pero may nagsisingit pa rin at nagpo-Poncio Pilato ang mga titser sa pagsasabing mga magulang lang ang may gusto.

Pero sa mga high school at senior high school, uso pa rin ang pagbili ng electric fan ng PTA.

Pero ganu’n pa rin ang katwiran ng mga titser.

Hindi raw mapigilan ang mga magulang na magpundar ng electric fan para sa kanilang mga anak.

Kaya?

AYAW MAGKONTRIBUSYON

Talaga bang mismong mga magulang ang pursigidong magpundar ng mga electric fan?

Iba ang dumarating na balita mula sa mga opisyal ng mga PTA.

Higit na marami umano ang ayaw magbigay ng kontribusyon para sa electric fan na nagkakahalaga ng P1,500 kahit gaano kaliit ang kinukwentang kontribusyon ng bawat isa.

Siyempre pa, lumalaki ang kontribusyon kung dalawa o tatlo o mahigit pa ang bibilhin.

At karaniwan, kahit hindi sabihin ni Sir o ni Mam, kailangan niya ring mahagip ng hangin ng electric fan.

‘Yung mga nagbibigay naman, napakunat naman daw.

Pero napag-alamang may mahigit na isa o dalawa palang anak ang mga ayaw o makunat magbigay ng kontribusyon.

At pawang talaga namang alanganin ang katatayuan sa buhay ang mga umaayaw at makukunat.

Kaya luhaang nag-aabono na lang ang mga Pangulo at iba pang mga opisyal.

At dahil karaniwang mga magkakikilala na ang mga magulang, peborit na ihalal na pangulo, tesorero at sekretari ang mga nag-aabono.

Anak ng tokwa, ano ba ‘yan!

WALA SA BOKABULARYO NG DEPED

Nitong kasagsagan ng tag-init na may halong El Niño, may nagmungkahing bumili na lang ang DepEd ng mga aircondition at hindi na electric fan.

Pero pinana at pinabagsak sa lupa ng DepEd ang mungkahi dahil sa kawalan umano ng badyet para rito sa mga iskul.

Aabot sa P30 mil ang ordinaryong aircon, kasama ang pagkakabit habang nasa P60,000 ang para sa inverter.

Pwera pa rito ang buwanang bayad sa kuryente, lalo’t wala namang gaanong gumagamit ng solar power na mga pablik iskul.

Hindi kayang gastusan ng gobyerno ang aircondition.

BAHAY NI MAM UMAAPAW NG ELECTRIC FAN

Kwento ng mga estudyanteng paborito ng mga titser na papuntahin sa kanilang mga bahay para maglinis o tumulong sa kanilang okasyon, umaapaw ng electric fan sa bahay ng mga titser.

‘Yun pala, iniuuwi ng mga wais na titser ang mga electric fan para ma-repair daw dahil pawang mga sira na sa araw-araw at maghapon na pag-andar sa iskul.

Pero hindi na ibinabalik sa iskul dahil luma na at saka, may bagong bigay ang mga magulang sa ngalan ng PTA bawat pasukan.

Ganun ba ‘yun?