Home NATIONWIDE Port workers sa Lamitan inayudahan kasunod ng travel suspension sa paglubog ng...

Port workers sa Lamitan inayudahan kasunod ng travel suspension sa paglubog ng RoRo

254
0
Photo courtesy: Lamitan CIO

MANILA, Philippines — Nagpaabot ng tulong ang pamahalaang lungsod ng Lamitan sa mga port worker na pansamantalang nawalan ng kabuhayan matapos ang suspensyon ng biyahe kasunod ng paglubog ng isang RoRo vessel sa karagatang sakop ng Basilan noong Enero 26.

Ayon kay Lamitan City Mayor Roderick Furigay, nasa 95 indibidwal ang nakatanggap ng food assistance, kabilang ang 66 porter, 25 tindera, at apat na mooring worker na direktang naapektuhan ng kanselasyon ng mga biyahe sa pantalan.

“Alam namin ang bigat ng epekto ng kanselasyon ng biyahe sa kabuhayan ng ating mga port worker. Responsibilidad ng lokal na pamahalaan na umaksyon agad kapag nangangailangan ang ating mga kababayan,” pahayag ni Furigay.

Nawala ang hanapbuhay ng mga manggagawa sa pantalan matapos suspendihin ng Department of Transportation ang buong passenger fleet ng Aleson Shipping Lines (ASL) noong Enero 27.

Dalawampu’t siyam na pasahero ang nasawi nang lumubog ang MV Trisha Kerstin 3, isang barko ng ASL, humigit-kumulang 2.75 nautical miles hilagang-silangan ng Baluk-Baluk Island sa bayan ng Hadji Muhtaman, Basilan. Patungo sana ang barko sa Jolo, Sulu mula Zamboanga City nang mangyari ang insidente.

Malaki ang naging epekto ng suspensyon sa Lamitan City, isa sa pangunahing trading hubs ng Basilan, dahil ang ASL lamang ang shipping company na nagseserbisyo sa lugar na may apat na round-trip kada araw.

Pinangunahan mismo ni Furigay ang pamamahagi ng grocery packs sa mga apektadong manggagawa.

Nagpasalamat naman si Lamitan City Port Manager Maria Florencia Candelaria Bisal sa lokal na pamahalaan at kay Basilan Provincial Board Member Juhan Hataman sa agarang tulong na ipinagkaloob sa mga port worker. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here