Home NATIONWIDE Posibleng paghinto ng US assistance nananatiling malabo – PBBM

Posibleng paghinto ng US assistance nananatiling malabo – PBBM

MANILA, Philippines- Ayaw magkomento ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa posibleng paghinto na ng US foreign assistance ng administrasyong Trump dahil ang usapin ay nananatiling malabo.

“Hindi pa maliwanag kasi. Hindi pa maliwanag. It’s hard to comment because nagkaproblema… On the freezing of the aid, the—sa court—that blocked it. So, it’s not yet… It’s very unclear what it is,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.

“Because even the agencies in the US government, hindi nila naintindihan what it means. Ano ‘yung tatamaan, saan ‘yung babawasan ang aid funds. So, well, this is what happens—these are the growing pains of a new administration,” dagdag na wika nito.

Sa kabilang dako, sinabi ng Malakanyang na nakatakdang makipagpulong si Pangulong Marcos kay United States President Donald Trump para talakayin ang iba’t ibang importanteng isyu sa pagitan ng kanilang mga bansang pinamumunuan.

Nais ding linawin ni Pangulong Marcos kay Trump ang direktiba nito kaugnay sa pagtigil muna ng foreign aid ng US. Dagdag pa nito na marami pa silang tatalakayin partikular sa kalakalan, defense at security at maging ang bagong polisiya ng Amerika pagdating sa immigration.

Hindi pa malinaw sa ngayon ang direktiba ni Trump sa pagpapatigil sa mga ayuda ng US sa bansa kaya naging tikom ang bibig ni PBBM at dagdag pa nito, maging ang mga ahensya sa US government ay hindi nila maunawaan kung ano ang ibig sabihin sa naging utos ni Trump.

Umaasa naman si Pangulong Marcos na magiging maganda ang kalalabasan ng kanilang pagpupulong at kung makapag-impluwensya ang Pilipinas kaugnay sa bagong polisiya ng US sa immigration.

Sa polisiya ni Trump, maraming bilang na ng mga Pilipino ang nakabalik sa bansa.

Wala pang detalye ang pagkikita at pagpupulong ng dalawang lider. Kris Jose