MANILA, Philippines – Inatasan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang mga distribution utilities (DUs) na nakararanas ng pagtaas sa generation costs dahil sa fuel price shock sanhi ng giyera sa Middle East na magpasa ng detalyadong report para sa napapanahong regulatory intervention at consumer protection.
Sa pahayag nitong Sabado, Marso 28, sinabi ng ERC na ang direktiba ay inisyu bilang tugon sa deklarasyon ng state of national energy emergency sa ilalim ng Executive Order 110.
Sinabi ng power industry regulator na ang direktiba ay partikular na para sa mga DU na may pagtaas sa kanilang blended generation rate ng mahigit P1 kada kilowatt-hour kumpara sa mga nagdaang buwan.
“These DUs are required to submit the basis for their rate adjustments, including detailed computations, supporting invoices from power suppliers, and any proposed staggered recovery schemes agreed upon with suppliers,” ayon sa ERC.
“Submissions must be made electronically at least five days prior to the intended release of monthly consumer bills,” dagdag pa.
Ayon sa komisyon, ang direktiba ay bahagi ng hakbang ng pamahalaan na mapahupa ang epekto ng tumataas na presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihin sa halaga ng kuryente.
“By requiring advance submission of rate adjustments, the ERC aims to closely monitor price movements, validate cost increases, and determine appropriate mitigating measures before these are passed on to consumers.”
Sinabi pa ng ERC na para sa mga consumer, ang pagtaas ng mahigit P1.00 per kWh sa generation charge ay lubhang makakaapekto sa buwanang electricity bill partikular sa mga tirahan na malakas kumonsumo ng kuryente.
Ang generation charge ay bumubuo sa malaking bahagi ng bill sa kuryente na gumagalaw depende sa halaga ng power supply na kinukuha ng mga DU.
Sa pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa buong mundo, ang generation costs ay tumataas din dahilan para sa mas mahal na singil sa kuryente. RNT/JGC