Home NATIONWIDE PPA naglabas ng listahan ng mga bawal na paputok sa barko

PPA naglabas ng listahan ng mga bawal na paputok sa barko

MANILA, Philippines- Nagpaalala ang pamunuan ng Philippine Ports Authority (PPA) sa mga sasakay ng sasakyang-pandagat na huwag magdala ng mga ipinagbabawal na paputok para sa kaligtasan ng mga bumibiyahe.

Ayon sa PPA, ang mga ipinagbabawal na paputok ay ang watusi, piccolo, poppop, five star, pla-pla, Lolo Thunder, giant bawang, at giant whistle bomb.

Pinaalalahaan ng ahensya ang mga manlalakbay na huwag magdala ng atomic bomb ,super Lolo, atomic triangle, Goodbye Bading, large-size judas belt, boga (improvised PVC cannons), at kwiton.

Gayundin ang Goodbye Delima, Bin Laden, Hello Columbia, Mother Rockets, Coke-in-can, Super Yolanda, pillbox, at Goodbye Philippines.

Ang iba pang paputok na ipagbabawal ay maaaring madagdag sa listahan sa mga susunod na araw sa karagdagang pagsusuri ng PPA sa pakikipag-ugnayan sa iba pang ahensya ng gobyerno.

Sinabi ng PPA na ang desisyon na ipagbawal ang nasabing mga paputok ay bahagi ng kanilang pagsisikap na mabawasan ang mga panganib na nauugnay sa naturang mga bagay sa panahon ng Kapaskuhan dahil madalas itong humantong sa mga pinsala, sunog, at iba pang mga alalahanin sa kaligtasan ng publiko.

Sinabi nito na ang pagbabawal ay mahigpit na ipatutupad sa lahat ng pasilidad ng daungan, kabilang ang mga terminal, pier, at mga pampasaherong barko kung saan ipinagbabawal ang pagdadala ng mga mapanganib na materyales.

Babala ng PPA, kukumpiskahin ang mga paputok ng mga awtorisadong tauhan ng daungan at maingat itong idi-dispose.

Nitong Disyembre 27, nakapagtala na ng kabuuang 113,220 pasahero sa lahat ng pantalan sa buong bansa.

Sinabi ng Philippine Coast Guard (PCG) na nasa 59,613 outbound passengers at 53,607 inbound passengers ang kanilang na-monitor sa iba’t ibang pantalan sa buong bansa mula alas-6 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali. Jocelyn Tabangcura-Domenden