Home NATIONWIDE PRC kinastigo sa ‘dekadang sabwatan’ ng regional directors sa corruption

PRC kinastigo sa ‘dekadang sabwatan’ ng regional directors sa corruption

1
0

MANILA, Philippines – Pinuna ni Sen. Raffy Tulfo ang Professional Regulation Commission (PRC) nitong Miyerkules dahil sa kakulangan sa pagre-reshuffle ng mga regional official nito, na nagpapatingkad o nagdudulot ng korapsyon.

Sa pagdinig ng Senado para sa panukalang P26.162 bilyong budget ng DOLE at mga attached agencies nito para sa 2027, tinanong ni Tulfo si DOLE Secretary Francis Tolentino tungkol sa mga reklamo laban sa mga regional director ng PRC.

“Maraming nagrereklamo sa akin, itong mga regional director ng PRC. Bakit hindi mo nire-reshuffle? Yung iba sa kanila, magre-retire na lang nandoon pa rin deka-dekada na. May kasabihan, ‘familiarity breeds contempt’, meaning wala nang respetuhan, sila-sila magsasabwatan na,” sabi ni Tulfo.

Sumagot si Sec. Tolentino na hindi sakop ng DOLE ang pagre-reshuffle ng mga regional director ng PRC.

“Yung PRC mismo ang nagre-reshuffle,” paliwanag ng kalihim.

Hindi rito natapos si Tulfo kaya binatikos din niya ang PRC dahil sa aligasyon na may mga regional director na sangkot sa pag-leak ng board exam questions kasama ang mga review center.

“Alam ko kung bakit ayaw niyo baguhin, kasi marami sa mga director ninyo sumasahod sa mga review centers. Wag na tayo maglokohan,” banat ng senador.

“Yung sistema niyo napakabulok. Nakita niyo na bulok, pero hindi niyo pa rin pinapalitan, bagkus sinasakyan niyo po,” dagdag niya.

Depensa naman ni PRC Chairperson Charito Zamora, maayos ang performance ng karamihan sa mga regional director.

“Kung mayroon po kayong mga ebidensya o pruweba na mayroon po sila, pwede naman po natin silang kasuhan para mapalitan sila. Sa ngayon po kami, sa aming sa assessment, sa commission, nagpe-perform sila nang maayos,” sabi ni Zamora.

Hindi kinumbinsi ang sagot na ito si Tulfo.

“Kinukunsinte mo, sabi mo they are performing. Bakit? Wala bang magpe-perform diyan sa PRC? Sila lang ba mga regional directors? At least, pagpalit-palitin mo…Para hindi na magsabwatan,” giit ng senador.

Patuloy ang pagsusuri ng Senado sa budget ng DOLE at mga attached agencies nito para sa 2027. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here