Home NATIONWIDE President Hage Geingob ng Namibia pumanaw na

President Hage Geingob ng Namibia pumanaw na

MANILA, Philippines- Pumanaw na sa edad na 82 ang presidente ng Namibia na si Hage Geingob nitong Linggo sa isang ospital sa Windhoek, ayon sa pahayag ng presidential office.

Innilahad ni Geingob, na nasa ikalawang termino na ng pagiging presidente, noong nakaraang buwan na ginagamot siya sa sakit na cancer.

“It is with utmost sadness and regret that I inform you that our beloved Dr. Hage G. Geingob, the President of the Republic of Namibia has passed on today,” saad sa pahayag sa X, dating Twitter, na nilagdaan ni acting president Nangolo Mbumba.

“At his side, was his dear wife Madame Monica Geingos and his children.”

Lumabas sa biopsy kasunod ng routine medical check-up noong Enero ang “cancerous cells”, ayon sa naunang pahayag ng opisina ni Geingob.

Unang nahalal na presidente noong 2014, si Geingob ang longest serving prime minister at ikatlong presidente ng Namibia.

Noong 2013, sumailalim si Geingob sa brain surgery, at sa aortic operation noong nakaraang taong lamang sa South Africa.

Hanggang sa kanyang kamatayan, ginamot siya sa Lady Pohamba Hospital sa Windhoek.

“The Namibian nation has lost a distinguished servant of the people, a liberation struggle icon, the chief architect of our constitution and the pillar of the Namibian house,” ani Mbumba.

“At this moment of deepest sorrow, I appeal to the nation to remain calm and collected while the Government attends to all necessary state arrangements, preparations and other protocols.”

Sinabi niya na agad na magpupulong ang Gabinete at paplantsahin ang state arrangements.

Isinilang sa northern Namibia noong 1941, si Geingob ang unang presidente ng southern African country na hindi kabilang sa Ovambo ethnic group, na bumubuo sa halos kalahati ng populasyon ng bansa.

Isa siya sa mga tumutol sa apartheid regime ng   South Africa, na dating namamahala sa Namibia, bago siya ma-exile.

Halos tatlong dekada siyang namalagi sa Botswana at sa United States.

Magsasagawa ang Namibia ng presidential at national assembly elections sa pagtatapos ng taong ito. RNT/SA