MANILA, Philippines – Hindi imposible na ang maagang deklarasyon ni Vice President Sara Duterte ng kanyang presidential run ay konektado sa kinahaharap nitong impeachment complaint sa House of Representatives, ayon kay Deputy Speaker at La Union Rep Paolo Ortega.
Ayon kay Ortega, kung siya ang tatanungin, ang maagang deklarasyon ni Duterte ay para makakuha ng political momentum.
“Posibleng talagang planado na rin nila, so hindi natin masasabi kasi kanya-kanyang diskarte,” sinabi pa ni Ortega.
Aniya, hindi maiiwasan na masabing konektado ang pagdedeklara ng presidential run ni Duterte dahil na rin sa mayroon nang tatlong impeachment case na unang naihain laban dito.
Aminado si Ortega na hindi na rin siya nabigla sa anunsyo ni Duterte dahil noon pa man ay nagpapahiwatig na ito.
“So baka she felt the need to announce or make an announcement para pag-usapan. Kasi medyo tahimik siya ng mga nakaraang buwan. So baka kailangan ng hype,” ani Ortega.
Tiniyak ng mambabatas na walang magiging epekto sa Kamara ang deklarasyon ni Duterte dahil ang mga mambabatas ay may tungkulin sa taumbayan.
“Lawmakers must answer to the public above all,” dagdag nito.
Kumpiyansa si Ortega lulusot ang impeachment sa Kamara. Gail Mendoza