MANILA, Philippines – Hinimok ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Huwebes ang mga iskolar ng Bagong Pilipinas Presidential Scholars Program na magsikap sa kanilang pag-aaral at sulitin ang pagkakataong makapag-aral, dahil balang araw ay magiging bahagi sila ng pamumuno at paghubog sa kinabukasan ng bansa.
Sa kanyang mensahe sa 105 Presidential Scholars sa kanilang orientation na ginanap sa Pinaglabanan Elementary School sa Lungsod ng San Juan, sinabi ni Pangulong Marcos na ang scholarship program ay isang pamumuhunan para sa mga susunod na lider ng bansa.
“Kaya napakahalaga na kayo pagdating ng panahon, at darating ang panahon, mas maaga kaysa sa inyong inaakala, kung kailan kayo na ang mamamahala sa bansang ito. Kayo ang magpapatakbo ng Pilipinas,” ani Pangulong Marcos.
“Kaya napaka-importante na kayo ay handa na, na maganda na ang training ninyo, maganda na ang pinag-aralan ninyo,” dagdag ng Pangulo.
Muling iginiit ni Pangulong Marcos sa mga iskolar na ang kabataan ang kxinabukasan ng bansa at sila rin ang inaasahang hahawak ng mga posisyon sa pamahalaan, negosyo, edukasyon, at iba pang sektor sa mga darating na panahon.
Inilarawan din ng Pangulo ang edukasyon bilang isang kayamanang panghabambuhay na hindi kailanman maaagaw, at hinikayat ang mga iskolar na sulitin ang oportunidad na ipinagkakaloob sa kanila.
“Ang edukasyon ay biyaya — isa itong kayamanan. Isa itong yaman na hindi ninyo kailanman mawawala habang kayo ay nabubuhay,” sabi ng Pangulo.
Binigyang-diin din niya na ang mahusay na edukasyon ay hindi lamang nagpapabuti sa buhay ng isang tao kundi nakatutulong din sa kanyang pamilya, komunidad, at sa buong bansa.
Ayon sa Pangulo, layunin ng pamahalaan na masuportahan ang mahigit 200,000 Presidential Scholars sa buong bansa sa pamamagitan ng Socio-Civic Projects Fund (SCPF), kung saan ang bawat barangay ay tumatanggap ng pondo upang masuportahan ang limang iskolar.
Dinaluhan ng 105 iskolar mula sa 21 barangay ng San Juan City ang orientation. Ang mga ito ay kasalukuyang kumukuha ng tertiary education sa iba’t ibang unibersidad at kolehiyo, at karamihan sa kanila ay nasa ikatlo at ikaapat na taon na sa kolehiyo.
Ang mga iskolar ay mga benepisyaryo ng Bagong Pilipinas Presidential Scholars Program na pinopondohan sa pamamagitan ng SCPF.
Sa ilalim ng programa, bawat barangay ay tumatanggap ng P100,000 para masuportahan ang limang iskolar, kung saan bawat isa ay nakatatanggap ng P20,000 na tulong pang-edukasyon. KRIS JOSE