KUNG bababa lang sa mga barangay at makihalubilo ang matataas na opisyal ng pamahalaan, doon nila mararamdaman ang mga paghihirap o krisis na nararanasan ng nakararaming mamamayan.
Para sa matataas na opisyal, kabilang sa pinakaimportante sa kanilang usapan ang paglago ng ekonomiya ng Pilipinas at sinusukat ito sa 1%, 5%, 6%, 7% at kung ano-ano pa kaugnay ng gross domestic product na nakasandal sa pamumuno nila sa Pilipinas.
Panay rin ang anunsyo nila ng mga matatagumpay na bilyon-bilyong pamumuhunan ng mga lokal at dayuhang negosyante na nakalilikha umano ng maraming trabaho ayon pa rin sa galing nilang mamuno ng bansa.
Pero kapag tinanong mo ang mga taga-barangay kung ano ang kahulugan o bunga o pakinabang nila sa paglago ng pambansang ekonomiya o sa mga pamumuhunan ng mga negosyante, bibihira ang sumasang-ayon.
Maririnig mo sa bibig ng higit na nakararami sa mga taga-barangay ang malaking pagdududa o kawalan ng bilib sa mga pagmamalaki ng mga namumuno.
Hindi dahil sa hindi nila nauunawaan ang mga nasabing usapin kundi hindi nila nararamdaman ang pagyaman ng bansa na ibinabandila ng mga namumuno.
PRESYO NG MGA BILIHIN
Hindi maikakaila na sinusukat ng mga mamamayan ang pamahalaan sa presyo ng mga bilihin.
Dito nagiging malinaw na malinaw ang sinasabi nilang walang ibinubunga sa kanila ang mga nasabing ipinagmamamalaki ng mga opisyal na pag-unlad at pagdami ng mga mamumuhunan sa bansa.
Ang isang hindi malilimutan na pangako noong 2022 halalang presidensyal ang P20 presyo ng bigas kung may bago nang pamahalaan.
Hanggang ngayon, nananatiling nakapako ang nasabing pangako.
Kung may katuparan man, walang iba kundi ang kagustuhan ng pamahalaan na ipako sa P42 bawat kilo ang bigas bilang pinakamababang presyo ngunit may mataas pa ring presyo na aabot sa P50 pataas.
Dito umano maging hapi ang mga mamamayang mamimili ng bigas at ang mga magsasaka.
Pero talaga bang hapi lahat kapag ipinako sa P42 kada kilo bilang minimum na presyo ng bigas?
PROBLEMANG IBA
Ang problema, mga Bro, nakasingkaw o nakakadena ang presyo ng bigas sa ulam.
at magkano ang isda, karneng manok, baboy, baka at kalabaw?
Sa mga panahong ito, dumanas man tayo ng bagyo o hindi, anak ng tokwa, sobrang taas na talaga ang presyo ng isda, manok, baboy, baka at kalabaw.
Pero lalong nagmahal ang mga ito bilang bunga ng mga kalamidad at hindi na mapigilan pa ang pagmahal ng mga ito dahil sa darating na Pasko.
Dahil na rin sa napakamamahal na pagkain, naririyan na ang pagtitipid ng pagbili at kung may pagtitipid sa pagbili ng pagkain, saan hahantong ito?
Tiyak na magiging malnourish ang marami o milyong mamamayan.
At kung nagiging malnourish ang mga mamamayan, anong mangyari sa utak at kalusugan ng mga mag-aaral at magulang, sa lakas at kalusugan ng mga obrero, magsasaka at mangingisda na mga tunay ng gulugod ng bansa sa ekonomiya at hindi ang mga politiko at namumuno ng bansa?