MANILA, Philippines – Pinaghahanda na ang mga mamimili sa pagtaas ng presyo ng ilang pangunahing bilihin simula Abril 1 matapos mag-anunsyo ang ilang manufacturers ng price adjustments bunsod ng pagmahal ng langis kaugnay ng tensyon sa Middle East.
Ayon kay Steven Cua, pangulo ng Philippine Amalgamated Supermarkets Association Inc., iilan pa lamang ang nagpatupad ng pagtaas ng presyo.
“So far, iilan pa lang. Mabibilang sa dalawang kamay. Kaunti pa lang,” ani Cua sa isang panayam.
“Although may isa lang ang nag-abiso na lahat ng produkto niya kailangan tumaas. Ito ay mga chemicals at siguro naubusan na sila ng raw material,” dagdag pa niya.
Kabilang sa mga produktong maaapektuhan ang pasta, noodles, de-lata, kendi, at bottled water, kung saan ang ilan ay inaasahang magkakaroon ng mas malaking dagdag-presyo.
Sinabi ni Cua na maaaring umabot sa 10% ang itataas ng presyo at posibleng ipatupad ito nang paunti-unti depende sa galaw ng merkado at reaksyon ng mga mamimili. Santi Celario