MANILA, Philippines – Patay ang isang prison guard matapos pagbabarilin habang nagmamaneho patungo sa Ilocos Sur Provincial Jail sa Bantay, Ilocos Sur.
Napag-alaman na naghihintay ang isang motorcycle rider sa kalsada patungo sa pasilidad. Pagdating ng sasakyan ng biktima ay umandar na rin ang rider saka pinagbabaril ang drayber.
Sa imbestigasyon, kinilala ang biktima na si Jayson Parchamento, 45-anyos, na pinaputukan ng pitong beses ng .45 kalibre ng baril.
Nakatakas naman ang suspek sa insidente.
“We already have suspects, persons of interest. We really fell short in providing security,” ayon kay Ilocos Sur Police Acting Provincial Director Police Colonel Darnell Dulnuan sa panayam ng GMA News.
Tumanggi namang magkomento ang partner ng biktima habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Tumanggi ring magkomento ang pulisya kung ang pamamaril ba ay may kaugnayan sa naunang dismissal ng biktima sa police force.
Nabahala naman si Ilocos Sur Governor Jerry Singson sa pagkakatanggap at pagkakapromote pa ng biktima bilang prison guard 3 sa Provincial Jail.
“It shouldn’t have happened. Now, I am ordering an investigation as to how the victim was able to work at the Provincial Government under my watch. I am also asking the Provincial Warden,” ani Singson. RNT/JGC