
ILANG araw makalipas ang hindi kapani-paniwalang insidente — ang biglaang pagguho ng bagong gawang Cabagan-Sta. Maria Bridge sa Isabela — sinabi ni President Bongbong Marcos na “design flaw” daw ang nasa likod ng insidente, na sinabayan pa ng overloading nang tumawid sa tulay ang isang truck na kargado ng 102 tonelada ng bato mula sa quarry.
Ang bilis niyang nagbigay ng konklusyon, nagmamadaling maglabas ng pahayag nang bahagya nang naikonsidera, sakali man, ang credentials ng nagdisenyo ng tulay o ang aktuwal na engineering principles na ipinatupad.
Hindi ko sinasabing may mali sa kanyang konklusyon dahil, kung tutuusin, mas mabilis ang naging akusasyon ko na kurapsiyon ang nasa likod ng trahedyang ito — na ikinasugat ng anim na katao.
Nitong weekend, nagpaunlak si Engr. Alberto C. Cañete ng detalyadong panayam sa Rappler — na naglaan naman ng malaking espasyo para sa paglilitanya ng nakamamanghang engineering practice na iniuugnay sa beteranong structural engineer. Tinagurian pa nga siyang “bridge expert.”
Paanong nangyari na ang isang tulay, na may sapat na pondo at katatapos lang sumailalim sa P1.22-billion retrofitting, at idinisenyo ng eksperto sa engineering na tulad ni Cañete, ay gumuho nang ganoon na lamang?
Ipagpalagay natin na kung mayroon mang higit na nakakaintindi sa pagguho ng tulay, partikular na sa disenyo ng isang ito, ay walang iba kundi siya. At ayon kay Cañete, hindi raw ang disenyo ang problema — kundi ang dumaang truck na overloaded.
Aniya, ginawa ang tulay para sa bigat na hanggang 54 na tonelada, samantalang ang dumaang truck ay may bigat na 102 tonelada — o doble ng limitasyon nito. Idagdag pa diyan ang dalawa pang mabibigat na sasakyan, kaya ang kabuuang bigat na ininda ng tulay ay mahigit 200 tonelada.
So, hindi naman na pala kailangan ng genius upang mapagtanto ang konklusyon na ang totoong naging problema ay hindi ang pagkakadisenyo ng tulay kundi ang lantarang paglabag sa weight restrictions.
Ibinunton ang sisi sa operator ng truck na nag-overload, at mas malala pa, sa mga awtoridad na tungkuling siguruhin na ang ganoon kabibigat na mga sasakyan ay hindi dapat pahintulutan sa kalsada, lalo na sa isang tulay na may maliwanag na weight limit.
Bukod dito, binanggit ni Cañete ang isang nakababahalang tanong: Ginawa ba ang tulay base sa disenyo nito? Kung mayroon mang mas nakatatakot kaysa pagsuway sa weight limits, iyon ay ang posibilidad na nagkaroon ng shortcuts sa konstruksyon ng istruktura.
Kumpiyansa sa kanyang disenyo, may hinala ang bridge expert na hindi nakapag-hire ang DPWH regional office sa Cagayan Valley ng mga construction management at supervision consultants. Importante ang mga patakarang ito upang masigurong ang bawat detalye ng proyekto ay nakatutupad sa istriktong engineering standards.
Sakaling matukoy ang kapabayaang ito sa isinasagawang imbestigasyon: nag-shortcut sa pagkonsulta sa mga eksperto para sa tulay na nagkakahalaga ng bilyong piso upang maibulsa ng ilang “public servants” ang malaking bahagi ng pondo, babalik tayo sa pagsisi sa korapsyon bilang pangunahing may sala.
Siguro, Mr. President, huwag ang engineer na nagdisenyo ng tulay ang hanapin n’yo kundi ang mga opisyal na nagdisenyo sa sistema na naging dahilan kaya nangyari ang trahedya. Dahil kung gumuho ang isang tulay dahil sa bigat ng kurakutan, walang akmang engineering ang makakapagpapatatag sa tulay.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app.