Home NATIONWIDE Programang ‘Oplan Pag-Abot’ ng DSWD, umarangkada

Programang ‘Oplan Pag-Abot’ ng DSWD, umarangkada

MANILA, Philippines- Pinagulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) nitong Lunes ang full implementation ng “Oplan Pag-Abot,” ang proyekto na naglalayon na maialis ang mga palaboy sa kalsada at mailipat ito sa kustodiya ng ahensya.

Si Social Welfare and Development Secretary Rex Gatchalian mismo ang lumapit sa mga pamilya at indibidwal na naninirahan sa kahabaan ng Macapagal at Roxas Boulevards sa Pasay City.

“Ngayong unang araw ng expanded reach out operations,  minabuti natin na sumama sa reach-out para ma-monitor ang proseso,” pahayag ni Gatchalian.

Kinausap at kinumbinsi ni Gatchalian ang mga pamilya na magtungo sa DSWD, kung saan mabibigyan sila ng livelihood opportunities kapag umuwi sila sa kanilang probinsya. Kabilang din sa mga tulong na alok sa kanila ang relocation aid, support packages, transitory shelter assistance at iba pa.

Base sa DSWD, inirehistro ang biometrics ng mga pamilya at bibigyan ng identification cards.

“This is going to be a mainstream program of the Department. Hindi na siya add-on program na seasonal. Sa atin ngayon, ito na ang thrust natin, abutin ang mga pamilya sa lansangan,” ani Gatchalian. RNT/SA