Home NATIONWIDE Proteksyon ng OFWs sa Germany isinulong

Proteksyon ng OFWs sa Germany isinulong

MANILA, Philippines- Nangako ang German employers at overseas Filipino worker (OFW) leaders sa Department of Migrant Workers (DMW) para sa pagpapahusay ng welfare promotion ng mga migranteng manggagawa sa Germany.

Ayon sa DMW, pinadali nito ang isang kritikal na dayalogo sa mga nangungunang employer, foreign placement agencies (FPAs) at mga kinatawan ng mga OFW upang pag-usapan ang mga mahahalagang isyu at tuklasin ang mga paraan sa pinahusay na kooperasyon.

Sinabi ni DMW Undersecretary for Policy and International Cooperation Patricia Yvonne Caunan na naglunsad ng mga dayalogo sa OFWs at iba pang stakeholders sa kanyang pagbisita sa Germany, kasabay ng state visit ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na naglalayong iangat ang kanilang mga karapatan.

Alinsunod ang aktibidad sa tagubiin ng Pangulo na palakasin ang internasyonal na relasyon sa paggawa bilang pangunahing agenda nito.

Tinalakay sa pagpupulong ang critical discussion points na kinabibilangan ng pagbawas sa mga gastos sa recruitment, pag-optimize ng mga proseso ng recruitment, paggalugad ng mga bagong recruitment modalities at pagtugon sa mga hamon tulad ng third-country recruitment, maagang pagwawakas ng kontrata at ang pangangailangan para sa komprehensibong pre-departure at post-arrival orientation.

Sinabi ni Caunan na ipinakilala rin ng DMW sa pulong ang Cooperation Framework– isang inisyatiba kung saan binibigyang-diin ang magkabahaging responsibilidad sa lipunan sa pagitan ng Pilipinas at ng mga katuwang nito sa pagtataguyod ng kapakanan ng mga manggagawang Pilipino, partikular na nakatuon sa sektor ng pangangalagang pangkalusugan.

Aniya,ang framework na ito ay hindi lamang naglalayong pabilisin ang ‘brain gain’ kundi upang matugunan ang kakulangan sa pag-aalaga sa Pilipinas.

Inaasahan ng DMW ang pagtutulungan na magpapaunlad ng mga patakaran partikular sa bansa at sektor para sa trabaho sa ibang bansa na higit na magpapasulong sa kapakanan at proteksyon ng mga migranteng manggagawang Pilipino sa Germany. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleNew Philippine Passport Act nilagdaan ni PBBM
Next articleLuis, ‘nagpaparamdam’ na sa Lipa!