Home NATIONWIDE Provisional authority ng Starlink aprub sa Senado: ‘Digital divide, tutugunan’

Provisional authority ng Starlink aprub sa Senado: ‘Digital divide, tutugunan’

MANILA, Philippines- Pinagtibay ng Senado ang isang resolusyon na humihiling sa National Telecommunications Commission (NTC) na bigyan ang Starlink Internet Services Philippines ng provisional authority upang makapag-operate.

Sa inaprubahang Senate Joint Resolution No. 3 nitong Lunes ng gabi, tinukoy ng ilang senador ang kahalagahan ang Starlink sa pagtugon sa kakulangan ng digital highways partikular sa malalayong lugar.

Pinahalagahan ni Senador Grace Poe ang pangangailangan sa maasahan at accessible internet tinukoy nito bilang isang universal human right.

“Connectivity is not a privilege but a gateway to countless other human rights,” ayon kay Poe sa kanyang sponsorship speech.

Binanggit ni Poe na mahigit 65 porsyento ng mga Plipino ang hindi nakakonekta sa kabila ng pagkilos ng pamahalaan na magkaroon ng Free Public Wi-Fi Program at ang National Fiber Backbone Project.

Aniya, pumwesto ang Pilipinas sa ika-56 mula sa 169 bansa sa 2024 Internet Poverty Index sanhi ng kakulangan ng imprastraktura at naiiwan ang bansa sa kapitbahay nito sa Southeast Asian sa internet affordability at performance.

“The entry of Starlink, authorized by the NTC in 2022, has enabled access to remote communities through satellite technology, eliminating the need for costly infrastructure,” aniya. “Allowing Starlink to build ground stations in the country will maximize its existing services.”

Tinukoy pa ni Poe ang kritikal na papel na tiyakin na magkaroon ng maasahang internet para sa 2-25 election na gagamitin ng Commission on Elections (COMELEC).

Sinuportahan naman ni Senador Joel Villanueva ang resolusyon gamit ang 2024 World Bank report na pumalo ang Pilipinas sa pinakamahal na internet sa Southeast Asia sa kabila ng masyadong mabagal.

“Granting provisional authority to Starlink offers a significant opportunity to make internet access faster, more reliable, and affordable for all Filipinos,” ayon kay Villanueva.

Sinabi pa ni Villanueva na kapag mas mahusay ang connectivity, uunlad ang edukasyon, healthcare, commerce, at government services, alinsunod sa digital transformation agenda ng bansa.

Ibinandila naman ni Senador Sherwin Gatchalian ang kahalagahan ng serbisyon ng Starlink partikular sa panahon ng kalamidad.

“When typhoons, earthquakes, or floods destroy traditional telecommunications infrastructure, satellite networks remain operational,” ayon kay Gatchalian.

Iginiit din niya ang kahalagahan ng internet access sa pagpapaunlad ng kanayunan para sa mas mahusay na opurtunidad sa edukasyon, trabaho at komunikasyon.

Sinusugan din ni Senador Juan Miguel Zubiri ang kahalagahan ng satellite-based telecommunications services ng Starlink na maaaring magkaeroon ng mas mahusay na connectivity sa malalayong lugar.

“I’ve seen what Starlink has done in nations without internet access — napakaganda ,” ayon kay Zubiri. Ernie Reyes