Home HOME BANNER STORY Pulis sa Ilocos Norte nanakit ng kliyente sa loob ng istasyon

Pulis sa Ilocos Norte nanakit ng kliyente sa loob ng istasyon

PASUQUIN, Ilocos Norte – Viral ngayon ang kuhang video sa Pasuquin Police Station na nanakit ng kanilang kliyente na ngayon ay nagdulot ng matinding galit at pagkabahala sa publiko sa naturang bayan.

Ang video ay nagpapakita ng mga pulis mula sa Pasuquin Police Station na umano’y gumagamit ng dahas laban sa mga indibidwal sa loob mismo ng kanilang istasyon.

Naganap ang insidente noong Marso 29, nang magtungo sa istasyon ang isang pamilya upang maghain ng reklamo kaugnay sa brutal na pag-atake sa kanilang stepfather.

Sa halip na matulungan, sila umano ay nakaranas ng karagdagang karahasan mula sa mga pulis.

Makikita sa video ang mga pulis na sinisipa ang nasabing stepfather, na noo’y may iniinda nang sugat mula sa naunang pag-atake.

Nang subukang awatin ng mga bystander ang kaguluhan, sila rin ay umano’y binugbog.

Sa mas nakakabahalang eksena, isang pulis ang itinutok ang baril sa isang menor de edad na nagmamakaawa sa kanyang ama na huwag lumaban.

Bukod pa rito, iniulat din ng pamilya na walang mandamyento o warrant na isinilbi sa pag-aresto ng kanilang mga kasamahan, kabilang ang isang 14-anyos na menor de edad, na umano’y ikinulong nang walang sapat na dahilan.

Samantala, dahil sa pangyayari, agad na nag-utos ang PNP ng masusing imbestigasyon upang beripikahin ang mga detalye ng insidente.

Tiniyak din ng PNP na mananagot ang sinumang mapatutunayang lumabag sa kanilang mga alituntunin.

“Hinihikayat namin ang publiko na maging kalmado at hayaang umusad ang patas at walang kinikilingang imbestigasyon. Makatitiyak kayo na ang PNP ay magiging transparent sa paglalabas ng mga update sa kaso,” pahayag ng PNP.

Labis ang hinanakit ng pamilya ng mga biktima sa marahas na pagtrato sa kanila ng mga pulis na kanilang pinuntahan para humingi ng hustisya.

“Paano tayo maghahanap ng hustisya kung mismong may kapangyarihan ang nag-aabuso? Isang tao ang sinaktan dahil lamang sa paghingi ng blotter report. Isang bata ang tinutukan ng baril. At may inosenteng nasaktan sa kaguluhan. Hindi dapat makalusot ang ganitong pang-aabuso ng kapangyarihan,” pahayag ng mga kaanak ng biktima.

Dahil sa insidente, muling napukaw ang pagpuna ng publiko sa karahasan ng pulisya at kawalan ng pananagutan.

Nanawagan ang mga grupong pangkarapatang pantao at mga mamamayan ng isang patas at masusing imbestigasyon, gayundin ang mabilis na pagsasampa ng kaukulang kasong administratibo at kriminal laban sa mga sangkot na pulis. REY VELASCO