
ABRIL 1 ngayon, na para sa iba ay araw para sa mga madaling mauto. Wala namang magiging pakinabang ang bansa kung ang ating presidente, si Bongbong Marcos, kahit pa pabiro, ay mag-aaktong uto-uto sa gitna ng tensyonadong geopolitical chess match sa pagitan ng Amerika at China.
Noong nakaraang linggo, habang napabilib ang lahat sa makasaysayang laban ng Pinay teen tennis star na si Alex Eala sa Miami Open, abala si Marcos sa patuloy na pagpapalakas ng ugnayang militar ng Pilipinas kay U.S. Defense Secretary Peter Brian Hegseth.
At habang ipinagdiriwang ng buong bansa ang husay ng ating pambato sa WTA tour, nag-iimbak naman ang ating Sandatahang Lakas ng bagong armas — partikular na ang High Mobility Artillery Rocket System at Javelin anti-tank missiles, galing kay Uncle Sam. Matatandaang ang HIMARS ang parehong weapon system na nagdepensa sa Ukraine laban sa Russia. Ngayon, may ilan na nito sa mga armas ng Pilipinas, at garantisadong nakasubaybay sa atin ang Beijing.
Gaya ng inaasahan, tumugon ang China ng karaniwan na nitong babala, kumpleto sa anggulo ng kunwaring may diplomasya. Tinawag nito ang Pilipinas na “pawn” sa alitan nito sa Amerika, walang pakundangan o respeto sa ating kakayahang militar.
Ang totoo, gusto nito na ang Pilipinas ay maging sunud-sunuran, madaling masindak, at kung pupwede ay huwag na lang kumibo habang patuloy tayong binu-bully ng Chinese Coast Guard sa West Philippine Sea.
Malinaw ang mensaheng ipinararating ng pagdating ng HIMARS sa Pilipinas. Hindi lamang ito usapin ng depensa; isa itong estratehikong pagkumpirma na pinapaboran ng bansa ang Washington kaysa Beijing.
Para kay Marcos, na ang karismang pulitikal sa sarili niyang bansa ay apektado ng away niya sa mga Duterte at sa matitinding pambabatikos ng sarili niyang kapatid sa Senado, ang pagtatanggol niya sa West Philippine Sea marahil ang isa sa iilang pupwede niyang maging hakbang para pabanguhin ang kanyang pangalan.
Ang katotohanan, isa itong malaking sugal para sa bansa. Dahil bagama’t may punto ang pagpapalakas ng ating sandatahan, nananatili pa rin ang katanungan — masisindak ba ng bagong armas na ito ang China, o lalo pang mauudyukan?
At ang mas mahalaga, mapanatili kaya ng Pilipinas ang ligtas na distansya nito sa tensiyon sa pagitan ng dalawang bansa? Dahil hindi maganda ang naging kasaysayan ng mga bansang pumapayag na magamit sila ng mga superpowers. Kung naniniwala si Marcos na magkakaroon ng partida ang Pilipinas sa pagkakaroon ng missiles mula sa Amerika, sarili rin niya ang kanyang niloloko.
Walang dudang seryosong banta ang China kapag nilalabag nito ang soberanya ng Pilipinas, binabalewala ang pandaigdigang batas, at nagkakasa ng mga taktika ng panggigipit sa karagatan. Gayunman, hindi naman maaaring tuluyan nang kalabanin ng bansa ang Beijing, lalo na kung ikokonsidera ang realidad ng magiging epekto nito sa ating ekonomiya.
Ang isang polisiyang panlabas ay hindi tungkol sa pagkampi sa isang makapangyarihang puwersa at pang-iisnab sa isa pa — tungkol ito sa pagkakaroon ng balanse na nakatuon, higit sa ano pa man, sa kapakanan ng Pilipinas. Minsan, ang pagpapabida bilang paboritong kaalyado ng Washington ay hindi ginagarantiya ng pangmatagalang seguridad. Makakatulong kay Marcos kung pag-aaralan niya kung paano tinatrato ng Amerika ang mga tinatawag nitong kaibigan kapag wala nang pakinabang ang mga ito sa kanila.
Sa huli, hindi babantayan ng HIMARS ang ating mga mangingisda. Hindi mapipigilan ng Javelins ang China sa pagpapatrolya sa ating mga bahura. Ang mananatili bilang pinakamatibay at diplomatikong panlaban ng Pilipinas sa China ay ang 2016 arbitral ruling na nagsasabing ilegal ang pag-aangkin ng China sa ating karagatan.
Umaasa tayo na sapat na ang pagpanig ng batas sa atin upang maiwasan ang digmaan.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app.