Home NATIONWIDE Pulse Asia: ‘Strong support’ ng madlang pipol, pinasalamatan ni Bong Go

Pulse Asia: ‘Strong support’ ng madlang pipol, pinasalamatan ni Bong Go

MANILA, Philippines – Nagpahayag ng lubos na pasasalamat si Senator Christopher “Bong” Go sa sambayanang Pilipino sa patuloy na pagtitiwala at malakas na suporta sa kanya matapos siyang mailagay sa mga nangungunang kandidato sa pagkasenador sa pinakabagong survey ng Pulse Asia para sa 2025 midterm elections.

Ayon sa resultang inilabas ng Pulse Asia na isinagawa mula Setyembre 6 hanggang 13, nasa ika-4 hanggang ika-9 na puwesto si Go, kung saan 40.3% ng mga botante ang nagsabing isa siya sa senatorial choices na kanilang iboboto sa darating na halalan.

Bilang tugon sa pinakahuling numerong ito, ibinahagi ni Go ang kanyang pagpapahalaga sa tiwala na ibinigay sa kanya sa pagsasabi pang ang hindi natitinag na paglilingkod sa bayan, lalo sa mahihirap, ay kanyang ipagpapatuloy.

“Sa ating mga kababayan, lubos po akong nagpapasalamat sa inyong tiwala at suporta.
Ang inyong pagsuporta ay nagbibigay inspirasyon upang mas pagbutihin ko pa ang aking pagseserbisyo,” ayon kay Go.

Binigyang-diin pa niya na mananatiling matatag ang kanyang serbisyo publiko, lalo sa mga pinakabulnerableng Pilipino.

Ang tungkulin ni Go bilang chairperson ng Senate committees on health, on sports, and on youth ay nagpatibay sa kanyang reputasyon bilang isang kampeon para sa kalusugan at kapakanan ng mga Pilipino.

Kilala siya sa kanyang mga pangunahing hakbang, kinabibilangan ng Republic Act No. 11463 o ang Malasakit Centers Act of 2019, na nag-institutionalize sa Malasakit Centers program.

Ang mga pagsisikap ni Go sa pangangalagang pangkalusugan ay lalo pang lumalawak sa pagtatayo ng mga Super Health Center sa buong bansa. Ang mga sentrong ito ay layong mabigyan ng pangunahing pangangalagang pangkalusugan, maagang pagtuklas sa mga sakit at kagalingan ng mga Pilipino sa malalayong lugar.

Bukod dito, si Go rin ang pangunahing sponsor at isa sa may-akda ng RA 11959, o ang Regional Specialty Centers Act, na nag-uutos sa pagtatatag ng mga regional specialty center sa loob ng mga regional ospital ng Department of Health.

Kabilang din si Go sa mga pangunahing may-akda at co-sponsor ng RA 11589, o ang Bureau of Fire Protection Modernization Act, at RA 11641 na lumikha sa Department of Migrant Workers.

Ang senador rin Go ang isa sa masigasig na tagapagtaguyod ng grassroots sports development, na kumikilala sa mahalagang papel nito sa personal na paglago ng kabataan at panlipunang kagalingan. Ginampanan niya ang isang mahalagang papel sa paglikha ng National Academy of Sports (NAS) sa pamamagitan ng pag-akda at pag-sponsor ng RA 11470. Matatagpuan sa New Clark City, Capas, Tarlac, pinagsasama ng NAS ang sekondaryang edukasyon sa isang kurikulum na nakatuon sa palakasan.

Bukod sa kanyang mataas na puwesto sa Pulse Asia survey, si Go ay nakakuha rin ng malakas na suporta sa iba pang pambansang survey.

Sa survey ng OCTA na isinagawa mula Agosto 28 hanggang Setyembre 2, si Go ay nasa ika-3 hanggang ika-6, sa nakuha niyang 49% voters preference. RNT