Home OPINION PUMALAG NAMAN TAYO!

PUMALAG NAMAN TAYO!

235
0

SA huling insidente nang girian sa West Philippine Sea, parang sumosobra na ang China Coast Guard nang bugahan nila ng water cannon ang mga sasakyang pandagat natin na nagdadala ng supply sa BRP Sierra Madre sa may Ayungin Shoal.

Hindi ito ang unang pagkakataon na ginawa ito ng mga Intsik na salubungin ng karahasan ang mga elemento ng Philippine Navy at Philippine Coast Guard.   At sigurado ako na hindi ito ang magiging huli.

Tandaan lang natin na malinaw na nasa loob ng Philippine Exclusive Economic Zone ang Ayungin Shoal.   Walang duda na atin ‘yang mga mababaw na parte ng karagatan na ‘yan.   Kaya kailangang magdala ng regular na supply ng pagkain, damit, sabon at inuming tubig, dahil “isolated” ang lugar.   Talaga namang napakatatapang at mga bayani ang mga nagbabantay na sundalo natin doon.

Nag-viral ang video na inilabas ng mga awtoridad dahil halos magbangaan ang mga mas malalaking barko ng Tsina at ang ating PCG.   At dahil nga parang nagpatintero ang mga mas maraming barko ng Tsina at ang mga Pinoy na supply ships at escort, meron isang nakalusot na barko natin.   Pero nang makadiskarte nga ito, hinabol ng Chinese Coast Guard at binugahan ng tubig.

Malinaw na pagpapakita ng karahasan at pagiging bully ng Tsina itong insidente na ito.

Tama ang mga narinig kong pananaw ng mga opisyal ng Philippine Navy at ng Philippine Coast Guard.  Ang water cannon ay dapat gamit lang na pansagip ng buhay sa mga barkong nasusunog sa laot.  Hindi ito dapat ginagamit na panakot o pantaboy.

Sa mga politiko na nag-iingay ngayon, isang hamon ang ipinaaabot ko. Kung seryoso kayo sa isyu na kailangan natin ang mas tibayan pa na depensa sa West Philippine Sea, malinaw ang mga dapat gawin.

Dapat ipatawag ang ambassador ng China sa Pilipinas, pagpaliwanagin at bigyang babala na hindi na ito dapat maulit pa.  At pwede rin namang sabihin ng mga pulitiko na babawasan nila ang  confidential at intelligence funds nila at ibibili na lang nang mas malaki at mas modernong mga barkong pandepensa.

Pumalag naman tayo!

Previous articleAMNESTY, HIKAYAT NI SEC. GALVEZ 
Next articlePNP chief nakiramay sa pamilya ng biktima ng ‘mistaken identity’ sa Navotas

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here