MANILA, Philippines – Ipinahayag ng Malakanyang na magpapatuloy ang Public Utility Vehicle (PUV) Modernization Program, subalit binigyang-diin na hindi ito dapat ipatupad nang padalos-dalos o nang walang sapat na paghahanda para sa mga apektadong sektor.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, inilahad ni Transportation Secretary Vince Dizon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga kasalukuyang hamon ng programa, lalo na ang kahandaan ng mga jeepney drivers at operators sa pagsunod sa mga pangangailangang pinansyal at pagsang-ayon.
“Napag-usapan po ‘yan, nilahad po niya kung anu-ano ang mga isyu kung agad itong ipapatupad,” sabi ni Castro.
Kailangan munang tiyakin ng gobyerno na ang mga drivers at operators ay handa, sinanay, at suportado sa pagbuo, pagbalangkas, at pangangasiwa ng mga kooperatiba.
Idinagdag pa ni Castro, “The government is also now considering tapping more manufacturers to help reduce the cost of modern units.”
Tinukoy din ng pamahalaan ang mga isyu sa affordability ng loan payments at ang availability ng mga ruta, lalo na sa mga lugar na mababa ang presensya ng jeepneys. Ang mga ito ay haharapin sa pakikipagtulungan sa mga local government units (LGUs).
Sa kabila ng mga hamon, magpapatuloy ang programa ngunit bibigyan ng sapat na oras at suporta ang mga stakeholder upang makapag-adjust.
“Tuloy pa rin po ang PUV modernization program, ihahanda lang po natin ang mga stakeholders dito,” ayon kay Castro.
Binanggit din niya na tinanggap ng Pangulo ang mga rekomendasyon at nilinaw na dapat ang implementasyon ay maingat at patas.
Layunin ng PUV Modernization Program na palitan ang mga traditional jeepneys ng mas ligtas, episyente, at environment-friendly na mga sasakyan.
Gayunpaman, patuloy ang pagtutol mula sa ilang transport groups dahil sa mataas na gastusin at mga alalahanin sa paraan ng pagpapatupad. Kris Jose