Home OPINION PWESTUHAN SA PNP, MAY PRESYO NGA BA?

PWESTUHAN SA PNP, MAY PRESYO NGA BA?

ISANG buwan na sa pwesto itong naitalagang hepe ng Philippine National Police na si P/Gen Rommel Francisco Marbil kaya naman marami ang nakaabang sa mga susunod na kaganapan.

Pero ang pinakatampok at makapigil hininga siyempre para sa 228,000 strong men and women ng PNP ay ang balasahan.

Kasi nga naman, dito malalaman kung sino-sino ang mga bata ng mga malalapit sa kusina este sa Office of the Chief PNP.

May ilang mga tsismis ang ‘marites’ at ‘tolits’ na umaaligid sa OCPNP na may mga opisyal na itatalaga sa mga hiniling nilang pwesto pero siyempre, may katapat umano itong presyo.

Ang proseso, ibubulong sa umano’y ‘chief of the chief’ ang gustong pwesto at ilang sandali ay babalikan ito kasama na kung magkano ang presyo para sa gustong “juicy position.” Kapag nagkasundo, ipipila na kaagad pangalan ng opisyal na gustong mailagay sa malangis na pwesto. Pero kailangan, hindi masulot kasi kapag may mas mataas ang alok o offer na presyo aba’y ibang usapan na siyempre.

Kwento ng kaibigang tolits (Tol, ano ang latest), karamihan umano ng mga opisyal na lumapit sa “pagador” ay mga kasama ni Gen. Marbil sa Tau Gamma Phi.

Pero siyempre, ang mga ikinukwento nitong mga marites at mga tolits sa Camp Crame ay pawang “wentong walang wenta” dahil wala pa namang nagaganap na ganito kasi nga wala pang reshuffle o revamp na ginagawa ang PNP chief.

Ang bali-balita nga na lumalabas ay may gumagamit ng pangalan ng PNP chief sa pangongolekta sa mga iligal na gawain o mga labag sa batas.

Iyan, ang dapat din nating abangan. Pero sa ngayon, wala pang pruweba na may presyo ang pagpwesto sa PNP.