Home OPINION SALUDO PARA SA MGA MANGAGGAWANG PILIPINO

SALUDO PARA SA MGA MANGAGGAWANG PILIPINO

KAHAPON, ipinagdiwang sa buong bansa ang “Araw ng mga Manggagawa” o Labor Day. Taon-taon namang ipinagdiriwang ang okasyon na ito tuwing Mayo 1 at ito ay deklaradong ‘holiday’ o walang pasok.

Hindi matatawaran ang kontribusyon ng mga manggagawa sa ekonomiya ng bansa dahil sila naman mismo ang pinanggagalingan ng mga resulta ng trabaho at negosyo na pinamumuhanan ng mga amo at negosyante.

Pero sila rin naman ang mga kawawang nilalang na nagtitiis sa kakarampot na sweldong ibinibigay ng mga kompanyang kanilang pinagsisilbihan. Ang kanilang mga “boss” ang namumuni-munini sa kanilang mga pawis at hirap ng katawan para lang maipambuhay sa kanilang pamilya.

Kaya nga, dapat nating saluduhan ang ating mga manggagawa na silang kumikilos at nagbabanat ng buto upang magawa at matapos ang mga programa at proyekto ng mga kompanyang kanilang pinaglilingkuran na kumukuha naman ng pagkilala kapag matagumpay na nagawa ang trabahong kanilang ginawa. Siyempre ang tagumpay ng kompanya ay nangangahulugan ng malaking kita.

Pero ang napupunta sa manggagawa ay eksakto lang upang kumain ang kanilang pamilya ng tatlong beses sa isang araw na minsan pa nga ay dalawang beses lang.

Hindi naman talaga matatawaran ang dedikasyon ng ating mga manggagawa sa kanilang trabaho sapagkat batid nila na kapag hindi nila pinagbuti ay sila rin naman ang magkakaroon ng problema. Pero sana, bigyang pagkilala rin naman ng mga opisina at mga employer  ang sakripisyong ginagawa ng ating mga manggagawa o empleyado.

Maliit na pakonswelo na mabigyan sila ng umento bukod sa pagkilala. Bukod sa malaking karangalan sa kanila ang idudulot ng pagkilala at umento ay malaking bahagi ng puso ng mga ito ang nabibigyan ng espasyo para sa hindi matawarang kagalakan.

May ilang mga opisyal ng pamahalaan at mga pulitiko ang kumikilos upang maisaayos ang buhay ng ating mga manggagawa subalit syempre batid natin na ito ay paimbabaw lang sapagkat nalalapit na naman ang halalan.

Sana lang maisip ng mga taong nasa poder na mas maganda kung ang ginagawa nilang hakbang para sa kapakanan ng mga manggagawa ay bago ang pagdiriwang ng Mayo 1 sapagkat tatak ang mga ito sa isipan ng mga tao.

Gumawa sana ang mga nas apoder ng mga batas na magpapaigting sa proteksyon, kapakanan at kakayahan ng bawat isang manggagawa o empleyado.

Gayunman, sana ay huwag namang gawin ito para lang maipakita ang kanilang malasakit sa mga manggagawa o sa madaling salita ay pakitang-tao, sa halip ay gawin nila ito nang bukal sa kanilang puso sapagkat kapag ganoon ang ginawa nila, ang programang kanilang ginagawa ay walang paltos dahil mula sa puso na walang hinangad kundi ang kabutihan ng nakararami.

Isang pagpupugay sa lahat ng mga manggagawa na siyang haligi ng ekonomiya ng ating bansa. Dahil sa inyo, tuloy-tuloy ang buhay ng komersyo.