Home OPINION SWELDO NG SAFETY OFFICER BASE SA KWALIPIKASYON

SWELDO NG SAFETY OFFICER BASE SA KWALIPIKASYON

NAKATANGGAP ang inyong lingkod ng tawag kamakailan mula sa isang kaibigan na kapwa safety professional at kasalukuyang nagtatrabaho sa Dubai, United Arab Emirates.

Humiling siya ng impormasyon at payo kaugnay sa sweldo ng isang safety officer dito sa Pilipinas. May plano na kasi siyang magretiro bilang overseas Filipino worker at sapat na raw ang kaniyang naipundar para sa kaniyang “for good” at kabilang doon ang aplikasyon bilang safety officer sa mga kompanya sa kanyang pagbabalik-bayan.

Katulad ng practice sa abroad, binanggit ng inyong  Health and Safety First sa kanya na nakabase pa rin sa kuwalipikasyon ang monthly paycheck na maaaring ialok ng kanyang aaplayan. Kabilang dito ang sapat na experience, training at iba pang requirements ayon sa sariling standards ng kompanya at safety officer level.

Napabuntung-hininga ang ating kausap nang mabatid ang prevailing figures sa swelduhan. Karaniwan na mas maliit kasi ang kitaan dito sa atin kumpara sa kanyang tinatamasa sa ngayon sa ibang bansa. Meron din namang mga kompanya rito ang nagbibigay ng malalaking pasahod. Kailangan lang sipagan ang paghahanap at  mapaghandaan ang interview.

Sa pagtatapos ng ating pabibigay-payo, binanggit din natin sa kanya ang pagkuha ng prescribed courses para sa pwestong safety officer na required ng labor department. Kailangan itong tugunan dahil kabilang ito sa mga batas na pinaiiral ng pamahalaan para masigurong ligtas ang lahat mula sa mga ‘inherent hazard’ at panganib na maaaring suungin sa bawat patatrabaho.

Dagdag na payo para sa lahat ng safety officer na nagnanais ng sapat o malaking suweldo; suriin, pag-aralan at tanungin natin ang ating mga sarili. Ako ba ay ‘competent enough’ sa pwestong aking inaaplayan? Qualified kaya ako sa minimum requirements na nakasaad sa checklist ng kompanyang inaaplayan?

Baka kasi naikukumpara natin ang ating sarili sa mga safety professional dito sa ating bansa na successful na sa kanilang larangan at kasalukuyang tinatamasa ang sweldong kakaunti na lang ang diperensya sa abroad.

Alamin kung totoo nga tayong qualified sa standards ng kompanya at hindi lamang compliant sa minimum standards ng labor department. Dahil sa huli hangga’t walang nilalabag na batas ang kompanya, sila lamang ang makapagdedesisyon sa sweldo ayon sa kanilang kakayanan at pagpili ng kandidato base sa kwalipikasyon.