Home NATIONWIDE RBH7, SMNI franchise revocation bill ipinadala na ng Kamara sa Senado

RBH7, SMNI franchise revocation bill ipinadala na ng Kamara sa Senado

MANILA, Philippines – Ipinag-utos ng Kamara ang mabilis na pagpapadala sa Senado ng resolusyon sa economic constitutional reform at panukala na magbabawi sa prangkisa ng Swara Sug Media Corporation, na nagpapatakbo sa Sonshine Media Network International (SMNI).

Ang direktiba ay inilabas matapos na aprubahan ng legislative chamber ang dalawang hakbang, o ang Resolution of Both Houses (RBH) No. 7 at House Bill (HB) No. 9710, sa ikatlo at huling pagbasa.

Layon ng RBH No. 7 na amyendahan ang specific economic provisions ng 1987 Constitution patungkol sa utilities, education at advertising sa paglalagay ng katagang “unless otherwise provided by law” upang magbigay ng dagdag na flexibility sa foreign ownership at paglahok sa isang investment ng mga dayuhan.

Inaprubahan ng Kamara ang resolusyon sa 288-8-2 na boto sa ikatlo at huling pagbasa.

Samantala, ang HB No. 9710 na nagpapawalang-bisa sa Republic Act 11422, na nagpalawig sa prangkisa na ibinigay sa Suara Sug sa ilalim ng RA 8122 para sa karagdagang 25 taon noong Agosto 2019.

Ang renewed franchise ay mapapaso sana sa 2044.

Ang pagsusulong na bawiin ang prangkisa ng SMNI ay dahil sa ulat ng mga paglabag, kabilang ang pagpapakalat ng fake news, red-tagging at iba pang seryosong mga paratang.

“Tinutupad lamang po natin ang mandatong ini-atang sa atin ng Konstitusyon at ng taumbayan. Walang personalan dito. Trabaho lang,” sinabi ni Speaker Martin Romualdez sa kanilang naging desisyon.

Maging ang Makabayan bloc ay bumoto para sa revocation ng panukala.

“Mahalaga ang panukalang ito para matigil ang SMNI na isa sa mga makinarya ni Quiboloy at ni Duterte sa pagpapakalat ng disimspormasyon at red-tagging laban sa mga progresibong indibidwal,” ani Gabriela Rep. Arlene Brosas.

“Ang SMNI ay hindi isang media at hindi dapat ihalintulad sa mga tunay na media,” sabi naman ni House Deputy Minority Leader France Castro. RNT/JGC

Previous articleNavotas nanguna sa sports, solid waste management programs
Next articlePertussis outbreak idineklara sa QC