Home OPINION REBISA NG JAO, HINDI SUSPENSYON NG BATAS TRAPIKO

REBISA NG JAO, HINDI SUSPENSYON NG BATAS TRAPIKO

193
0

HINDI nararapat na suspindihin ang pagpapatupad ng mga batas trapiko sa kabila ng mataas na presyo ng produktong petrolyo.

Para sa Lawyers for Commuters Safety and Protection, ang pagpapatigil sa panghuhuli sa mga lumalabag ay maaaring magdulot ng kaguluhan sa lansangan at magmukhang walang umiiral na regulasyon sa kalsada.

Ang opinyon ng LCSP ay kaugnay sa panawagan ni Swerte Partylist Rep. Arlyn Ayon na humiling na pansamantalang pagpapatigil sa panghuhuli sa mga motorista upang mabawasan umano ang dagdag na pasanin ng publiko sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.

Umani ng iba’t ibang reaksyon ang naturang mungkahi, partikular mula sa mga ahensyang nagpapatupad ng batas trapiko na nagsabing maaaring magresulta ito sa mas malalang paglabag sa kalsada.

Para sa LCSP, mahalagang manatiling umiiral ang disiplina sa lansangan. Gayunman, kinikilala rin ng grupo ng mga abogado na may matagal nang hinaing ang sektor ng transportasyon hinggil sa laki ng mga multa na ipinapataw sa ilalim ng Joint Administrative Order o JAO.

Sabi nga ng ating mga kasama sa LCSP, ang JAO ang nagsisilbing batayan ng mataas na multa sa maraming paglabag sa batas trapiko, lalo na sa sektor ng pampublikong transportasyon. Batid naman natin, matagal na itong kinukwestiyon ng mga transport group dahil sa paniniwalang hindi na makatarungan ang ilang parusa na ipinapataw sa mga driver at operator.

Sa halip na ipatigil ang pagpapatupad ng batas trapiko, iminungkahi ng LCSP na pag-aralan ng mga mambabatas ang posibilidad na rebisahin ang JAO. Giit pa ng grupo, dapat tiyakin na ang mga parusa ay nananatiling makatwiran at naaayon sa kasalukuyang kalagayan ng ekonomiya.

“Excessive penalties which are no longer reasonable must not only be suspended but must be disregarded,” dagdag ng LCSP.

Nanawagan din ang LCSP na pagtuunan ng pansin ni Ayon ang JAO at isulong ang mga hakbang upang maibaba ang mga multa na matagal nang nagpapahirap sa transport sector.

Para sa LCSP, ang reporma sa sistema ng parusa ang mas epektibong solusyon kaysa sa tuluyang pagpapahinto sa pagpapatupad ng batas trapiko.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here