Home OPINION STRAIT OF HORMUZ ISINARA; PAANO NA?

STRAIT OF HORMUZ ISINARA; PAANO NA?

272
0

ISINARA na ng Iran ang Strait of Hormuz na pangunahing daluyan ng langis na papuntang Asya mula sa ilang bansang Arabo.

Kabilang sa mga pinagmumulan ng 20-25 milyong bariles araw-araw ng mga bansang Iran mismo, Iraq, Saudi Arabia, Kuwait, Qatar, United Arab Emirates at Oman.

Isinara na ng Iran ang karagatang ito sa pamamagitan ng pagtatanim ng mga bomba sa karagatan at pag-atake kahapon sa tatlong barko rito.

Dahil dito, huminto na nang ganap ang pagbiyahe hindi lang ng mga oil tanker kundi ng mga cargo ship para sa iba’t ibang kalakal.

Bilang tugon at makagagaan sa krisis sa suplay at presyo ng langis, sinabi ng International Energy Agency na binubuo ng Canada, Great Britain at iba pa na maglalabas sila ng 400 milyong bariles ng langis na sapat para sa suplay ng mundo sa loob ng 21 araw.

Subalit dahil sa kawalan ng katiyakan sa suplay sa banta ng Iran na kaya nilang magtagal ng anim na buwan sa laban nila sa United States at Israel, nahaharap pa rin ang lahat sa krisis sa langis.

Ayon sa mga eksperto, kung magtatagal ang pagsasara ng Strait of Hormuz, tataas ang presyo ng Brent oil sa $110 kada bariles sa susunod na 2 buwan, $135 sa 4 buwan, $180 sa 6 buwan.

At maraming bumabagsak na ekonomiya na tiyak na ikadadamay mismo ng Pilipinas lalo’t halos 100% importer ito ng langis.

Bilang tugon, dapat talagang kumilos ang buong gobyerno sa paghahanap ng ibang mga suplayer ng langis lalo’t itinigil na ng Tsina ang pag-eksport ng mga produktong petrolyo na 30% ng importasyon ng Pinas ay galing dito.

Alalahaning nagsimula nang magmahal ang lahat ng bilihin, kasama ang mga pagkain, sa Pinas dahil ipinapatong na ang gastos sa transportasyon na tinamaan na ng napakamahal na petrolyo.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here