MANILA, Philippines – Iniatas ni Philippine Army chief Lt. Gen. Antonio Nafarrete ang pansamantalang pagtigil ng lahat ng reception ceremonies sa mga yunit ng Army matapos ang pagkamatay ng 22-anyos na si Pvt. Charlie Patigayo sa Maguindanao del Norte.
Kasalukuyang nire-review kung kailangan pa ang ganitong gawain.
Ang kautusan ay para lamang sa mga bagong enlisted na sundalo.
Iniimbestigahan ng 6th Infantry Division ang insidente at pansamantalang inalis sa puwesto ang 23 personnel na sangkot. Hindi umano alam ng battalion commander ang isinagawang reception ng Bravo Company.
Samantala, kaugnay nito, iginiit naman ng Armed Forces of the Philippines ang kanilang paninindigan laban sa hazing, pisikal na pang-aabuso, at lahat ng uri ng masasamang pagtrato.
“Ang AFP ay isang propesyunal na institusyon na binuo sa disiplina, integridad, at paggalang sa dignidad ng tao. Hindi namin at hinding-hindi kukunsintihin ang hazing, pisikal na pang-aabuso, pagmamaltrato o anumang uri ng nakabababang pagtrato,” anang AFP sa isang pahayag.
“Ang AFP ay nananatiling ganap na nakatuon sa paglinang ng isang kultura ng propesyonalismo, paggalang sa isa’t isa, at pananagutan. Ang lahat ng mga tauhan, anuman ang ranggo o panunungkulan, ay dapat tratuhin nang may dignidad sa bawat sitwasyon maging sa pagsasanay, tungkulin, seremonya, o pang-araw-araw na pakikipag-ugnayan,” sabi pa nito. (Santi Celario)