Home NATIONWIDE Recount sa 2022 election ballots ipinanawagan ng poll watchdog

Recount sa 2022 election ballots ipinanawagan ng poll watchdog

Nanawagan ang election watchdog na Kontra Daya nitong Lunes sa Commission of Elections (Comelec) na muling bilangin ang mga boto na nakuha sa piling lugar upang ayusin ang mga umano’y iregularidad sa pagsasagawa ng 2022 national at local elections.

Sa ikinasahg rally sa Plaza de Roma, Intramuros, hinamon ni dating Department of Information and Communications Technology (DICT) undersecretary Eliseo Rio Jr. ang poll body na muling buksan ang ilang ballot boxes lalo na sa bayan ng Santo Tomas, Batangas.

Bilang tugon, sinabi ni Comelec chairperson George Garcia na ang mosyon ng grupo ay isasama sa agenda ng en banc meeting na nakatakda sa Miyerkoles, Pebrero 21.

Paulit-ulit na iginiit ni Garcia na hindi dinaya ang mga resulta ng 2022 polls, na binanggit na ang mga natuklasan ng random manual audit ng mga boto ay tumugma sa 99.93% ng mga election returns.

Kasunod ng mga botohan noong Mayo 9, 2022, inangkin ng Kontra Daya na nagkaroon ng pandaraya sa halalan, na binabanggit ang kawalan ng transparency sa automated elections system at kawalan ng ekspertong pangangasiwa at mga hakbang upang matiyak ang integridad, bukod sa iba pa.

Ayon sa Makabayan bloc, na humirit ng legaslative inquiry sa usapin na natuklasan ng pangkat ng mga computer forensic examiners ng Rio na malaking porsyento ng mga resulta ng presinto sa Metro Manila at dalawang probinsya ang natanggap mula sa iisang pribadong IP address, ito ay 192.168.0.2.”

Noong Oktubre 2023, sa gitna ng imbestigasyon sa mga umano’y iregularidad sa mga serbisyo ng technology provider ng Smartmatic noong 2022 polls, sinabi ni Garcia na imumungkahi niya sa Comelec en banc ang pagbubukas ng mga ballot box na ginagamit sa halalan. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)

Previous articleBangkay na pugot-ulo natagpuan sa tabing-daan sa Carmona
Next articleEnvi group: Mining ops sa geohazard zones sa Davao, isara!