MANILA, Philippines- Isinara noong Huwebes ng Department of Migrant Workers (DMW) Regional Office VII (RO-VII) ang isang hindi awtorisadong recruitment operation sa Cebu City matapos matuklasan na kulang ito sa mga kinakailangang permit.
Daan-daang mga aplikanteng guro mula sa Visayas at Mindanao ang nagtungo sa isang hotel sa Cebu City, umaasang magkaroon ng pagkakataong makapagtrabaho sa Alaska, USA.
Gayunman, ang isang biglaang inspeksyon na pinangunahan ni DMW RO-VII Officer-in-Charge at Regional Director Maria Eloida O. Cantona, kasama ang mga tauhan mula sa Migrant Workers Protection Division, ay nagsiwalat na ang recruitment ay walang Letter of Authority (LOA)—isang pangunahing rekisitos para sa overseas job placement.
“Those facilitating the screening and interview failed to present their Letter of Authority or LOA. So, we asked them to stop,” sinabi ni Cantona, ayon sa release na inilabas ng DMW.
Ang LOA ay isang opisyal na doumento na iniisyu ng DMW na nagpapahintulot sa accredited foreign principals o kanilang inatawan na magsagawa ng recuitment activities sa labas ng registered business address ng lisensyadong ahensya.
Ipinaliwanag din ni Cantona na ang school district representatives, kabilang ng principals at superintendents, ay direktang iniinterbyu ang mga aplikante.
Gayunman, walang lisensyadong recuitment agency ang naroroon upang mangasiwa o magpatibay sa proseso ng recruitment, na lumalabag sa mga karaniwang pamamaraan.
“We caution the public to be wary and vigilant of these recruitment activities that are becoming so prevalent, anyone would think they are legitimate. For those who want to work overseas, always check whether you are engaging with a licensed recruitment agency or not or whether their job orders have been posted on the DMW Website or otherwise. It’s very important that we are always alert,” sabi ni Cantona.
Hinikayat ng DMW ang publiko na agad iulat ang anumang kahina-hinalang recruitment activities.
Habang patuloy na lumalaki ang pangangailangan para sa trabaho sa ibang bansa, nananawagan ang ahensya ng mas mataas na kamalayan upang maiwasan ang ilegal na recruitment at protektahan ang mga naghahanap ng trabaho mula sa pagsasamantala. Jocelyn Tabangcura-Domenden