MANILA, Philippines – Humingi ng paumanhin si Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla matapos niyang mapataas ang kanyang boses kay Senate President Alan Peter Cayetano sa gitna ng pag-aresto kay Senator Jinggoy Estrada sa loob ng Senado.
Ayon kay Remulla, hindi personal ang kanilang naging pagtatalo at nanatili siyang kalmado habang ipinapatupad ang arrest warrant. Aniya, isang beses lamang siyang napataas ng boses sa buong insidente.
“My apologies to the members of the Senate if they were offended,” ani Remulla.
Nauna nang nagpahayag ng pagkadismaya si Rodante Marcoleta sa umano’y kawalan ng respeto kay Cayetano sa panahon ng pag-aresto. Aniya, tila minaliit umano ang Senado dahil sa naging pagtrato sa Senate President.
Samantala, kinontra ni Panfilo Lacson ang pahayag ni Marcoleta at sinabi na wala umanong dapat sisihin sa minority bloc dahil hindi sila nagprotesta sa insidente. Idinagdag pa niya na nagpapasalamat pa sila dahil hindi nauwi sa pisikal na komprontasyon ang mainitang pagtatalo.
Sinabi naman ni Risa Hontiveros na lahat ng emosyon at reaksiyon kaugnay ng insidente ay dapat kilalanin at unawain.
Naganap ang insidente matapos arestuhin si Estrada sa loob ng Senado kaugnay ng mga kasong plunder at graft na may kaugnayan sa umano’y ₱573-milyong anomalya. Patuloy namang pinag-uusapan sa Senado at sa publiko ang naging paraan ng pagpapatupad ng pag-aresto. RNT/MND