Home OPINION REP. ERICE NAIS PALAWAKIN, ITAAS KATAYUAN NG MGA BARANGAY TANOD

REP. ERICE NAIS PALAWAKIN, ITAAS KATAYUAN NG MGA BARANGAY TANOD

268
0

KUNG sakali at makalusot sa kongreso ang panukalang itaas ang katayuan ng mga barangay tanod at palawakin ang kanilang papel sa pagpapanatili ng kaayusan at katahimikan, marami na sigurong mag-aaply bilang mga barangay tanod.

Sa totoo lang kasi, ang mga barangay tanod ang laging nangunguna at naatasang rumesponde sa nagaganap na anomang uri ng kaguluhan sa kanilang barangay kaya banta talaga sila sa panganib.

Kaya upang mapalawak ang kanilang papel sa pagpapanatili ng kaayusan at katahimikan, naghain ng panukalang batas si Caloocan 2nd District Congressman Egay Erice na mapabilang ang mga barangay tanod bilang mga auxiliary police personnel para mapabilang sila sa mga babalangkas ng pambansang katahimikan at kaayusan.

Gusto ring baguhin ni Erice ang edad ng mga nais maging barangay tanod na mula sa dating 18-70 ay gawing 21-60 at dapat ay may maayos at malusog na pangangatawan at matalas ang isipan para makapasa sa pagsasailalim sa kanila sa Barangay Public Safety Training Program.

Ang maganda pa sa panukala ni Erice, kapag pumasa ito at maging isang ganap na batas, mapagkakalooban ng P2,000 buwanang subsidy ang mga tanod na magmumula sa national government, pwera pa ito sa tinatanggap nilang sahod o honoraria sa barangay.

Mayroon na rin silang life at disability insurance na hindi sila ang magbabayad ng premium. Isa pa sa nakapaloob sa panukala ang pagbibigay ng educational scholarship ng hanggang sa dalawang anak ng barangay tanod at libre na rin sila sa suot na uniporme at mga kinakailangang gamit sa kanilang pagseserbisyo sa komunidad.

Kumpiyansa si Erice na susuportahan ng kanyang mga kasama sa Kongreso at maging sa Senado ang kanyang panukala dahil ito ang ipinangako ng pambansang pamahalaan sa mga barangay tanod sa buong kapuluan.

Si Cong Erice, na bagama’t nasa minorya sa Kongreso, ay nakikiisa rin sa mga hakbangin ng pambansang pamahalaan lalo na sa mga programa at proyekto na direktang pinakikinabangan ng tao.

Sa katunayan, batid naman sa kaalaman ng mga taga-Kankaloo na hindi naging maganda at maayos ang kanilang relasyon ni Caloocan City Mayor Along Malapitan pero para sa kapakanan ng mga mamamayan ng kanilang lungsod, isinasantabi na ni Erice ang kanilang hindi pagkakaunawaan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here