HINDI basta nagpapadala sa anomang sinasabi ng kanyang mga kasama sa House of Representative itong si Leyte 4th District Representative Richard Gomez lalo nang sabihing hindi nakatulong sa peace and order ng bansa ang naganap na “war on drugs” ng nakaraang administrasyon.
Ipinagtanggol pa rin ng Gomez, dating artista na naging politiko, ang mga pulis na nagpatupad ng paglaban sa droga sa kanyang nasasakupan.
Sinabi ng mambabatas, maganda ang naging resulta ng “war on drugs” o nakatulong ng malaki ang ipinatupad na paglaban sa droga ni dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil maraming sumuko na sangkot sa droga sa kanyang nasasakupan noong panahon na nakaupo siyang alkalde.
Sabi nga ni Gomez, hindi naman kasi pwedeng pakiusapan ang mga may kaugnayan sa droga na sumuko na lang sila dahil ang mga ito ay armado rin tulad ng mga pulis kaya naman kapag nagkaroon ng komprontasyon o operasyon ay hindi maiwasan na magkaroon ng putukan.
Tama naman ang sinabi ng actor turned politician na hindi lang naman ang mga kasapi ng drug syndicate ang napapatay o nasusugatan subalit maging ang mga pulis na nagpapatupad ng batas.
Binatikos pa ng dating alkalde ng Ormoc ang pahayag ng kasalukuyang hepe ng Philippine Drug Enforcement Agency na si Director General Moro Virgilio Lazo na hindi nakatulong ang kampanya ng nakaraang administrasyon pagsawata ng paglaganap ng droga.
Dahil sa paniniwala at paninindigan ni Gomez, nakabibilib talaga ang kanyang paninindigan. Marami ang nag-aakala na aayon lang ang dating artista sa anomang sabihin ng kanyang mga kasama subalit sa halip ay hindi ito nagpadala sa mga dikta o sinasabi ng kanyang kapwa mambabatas.
Sana lang, meron pang ilang Richard Gomez na maninindigan at hindi magpapadala sa kumpas ng nag-aambisyon na pumalit kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
Nakalulungkot na binabalewala na lang ng mga nakaupong opisyales ngayon lalo na ang mga nasa Kongreso ang pamamalakad ng nakaraang administrasyon.
Maraming nagawang maayos ang pamunuan ni Duterte kaya lang ay pumabor ito sa China kaya naman naghahabol na makabawi ang United States.
At ang pinakikinggan ngayon ng mga mambabatas ay ang dikta ng kanilang Angkel Sam.