Manila, Philippines – Bumabandera ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ng Pilipinas sa 2025 Asia Video Industry Association (AVIA) Conference noong nakaraan sa Singapore.
Tinalakay sa okasyon ang mga bagong polisiya at pangyayari na humuhubog sa pandaigdigang video at digital content landscape.
Pinangunahan ni MTRCB Chairperson at CEO Lala Sotto ang delegasyon ng Pilipinas, kasama sina MTRCB Board Members Joey Alberto V at Atty. Jojo Salomon, at Legal Affairs Division Chief, Anna Farinah Mindalano.
Dumalo rin si Sotto sa AVIA Policy Roundtable, isang closed-door session na dinaluhan ng mga regulator, legal at policy expert, at mga mga lider mula sa iba’t ibang bansa sa Asya-Pasipiko.
Tinalakay sa roundtable ang mga hamon at mahahalagang regulasyon sa gitna ng mabilis na pagbabago sa video at digital content.
Ipinamalas ni Sotto ang mga programa at inisyatiba ng MTRCB at ng pamahalaan upang itaguyod ang responsableng panonood at media literacy sa mga pamilyang Pilipino—mga adbokasiyang pinuri ng iba’t ibang bansa.
Ilang Asian regulatory bodies ang nagpahayag ng interes sa content classification ng Pilipinas, kabilang ang Indonesia Broadcasting Commission (Komisi Penyiaran Indonesia o KPI) at Infocomm Media Development Authority (IMDA) ng Singapore, isang statutory board sa ilalim ng Ministry of Digital Development and Information.
“I am grateful to have advanced Responsableng Panonood, showcased our Movie and Television Rating and Classification System, and heard from regulators in other countries who expressed interest in applying our program,” sabi ni Sotto.
Plano ng KPI na kunsultahin ang MTRCB hinggil sa matagumpay na rating at classification system ng Pilipinas.
Iniulat din ni Sotto na may ilang bansa ang interesado sa Responsableng Panonood program ng MTRCB at ilan sa kanila ay handa na itong gamitin.
“Lubos po kaming natuwa sa pagkilalang ito ng ating Asian counterparts,” sabi ni Sotto. “Patunay po ito sa komitment ng Pilipinas na magbigay ng angkop na klasipikasyon sa lahat ng materyal habang sinusuportahan natin ang paglago ng industriyang ating minamahal at pinaglilingkuran.” JP Ignacio