MANILA, Philippines- Nakatakdang ilabas sa lalong madaling panahon ng panel na nagsisiyasat sa “improper sale” ng libo-libong tonelada ng National Food Authority (NFA) rice ang natuklasan nito sa kanilang ginagawang imbestigasyon.
Nauna rito, ipinag-utos ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco “Kiko” Tiu Laurel ang imbestigasyon sa alegasyon na ibinebenta ang libo-libong tonelada ng NFA rice sa ilang mangangalakal sa presyong ‘disadvantageous’ sa gobyerno.
“Walang binigay na specific deadline si Secretary, pero doon sa phase na kino-conduct iyong review, we can expect very soon mayroon ng lalabas na resulta iyong mga panel of investigator,” ayon kay Assistant Secretary Arnel de Mesa, tagapagsalita ng DA.
Sa katunayan, nirerebisang mabuti ng panel ng mga imbestigador ang mga doumento ukol sa nasabing usapin.
“Ongoing na iyong investigation, nagre-review na ng mga documents iyong panel of investigators at marami na rin na-conduct na interview and we’re expecting very soon ay mayroon ng updates dito sa nangyayaring investigation,” ayon pa rin kay De Mesa.
Winika pa ni De Mesa na nais ni Laurel ang patas na imbestigasyon dahilan kung bakit pinayuhan niya ang mga opisyal ng NFA na kasalukuyang nag-imbestiga sa kontrobersiyal na pagbebenta ng rice buffer stocks na boluntaryong mag-leave of absence.
“Fair kasi si Secretary. Gusto niya iyong dalawa si Administrator [Rod] Bioco at saka si Assistant Administrator for Operations Lemuel Pagayunan, mag-leave of absence muna para mas maging fair iyong investigation,” pahayag niya.
Nauna rito, sinabi ni Laurel na dapat na hayaan ng mga sangkot sa usapin na makumpleto ng mga nag-imbestiga sa isyu ang kanilang tungkulin nang walang nakikialam.
“So the best thing is, and I strongly advise them, to take a leave of absence…at least the heads–the accused and the accuser,” wika ni Laurel.
Ani Laurel, kikilos ang DA base sa resulta ng imbestigasyon.
Una rito, ang NFA officials ay inakusahan ng executives ng mga ahensya ng gobyerno ng hindi tamang pagbebenta ng buffer stocks ng bigas ng NFA na hindi dumaan sa bidding at ang presyo ay malaking kawalan sa gobyerno.
Samantala, itinanggi naman ng mga opisyal na sangkot sa naturang usapin ang alegasyon laban sa kanila.
Giit ng mga ito, sumunod sila sa ‘procedures.’ Kris Jose