Home NATIONWIDE Rice hoarders, smugglers patuloy na tutugisin ng PBBM admin

Rice hoarders, smugglers patuloy na tutugisin ng PBBM admin

MANILA, Philippines – NANGAKO si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na patuloy ang gagawin ng pamahalaan na pagtugis at paghuli sa mga rice smugglers at hoarders.

Ang mga ito kasi ang sinasabing nasa likod ng pagsirit ng presyo ng bigas.

“Patuloy po ang ating magiging kampanya sa paghuhuli ng mga smuggler, sa paghuhuli sa mga hoarder, tuloy-tuloy yan,” ayon sa Pangulo sa kanyang departure speech patungong Indonesia para sa 43rd ASEAN Summit and Related Summits.

“Sa pag-aaral namin ang dahilan lamang nito ay talagang nandyan ang mga smuggler at saka mga hoarders,” dagdag na wika nito.

Tinuran ng Pangulo na kailangan nang makialam ang gobyerno sa usaping ito bunsod na rin ng kamakailan lamang na pagtaas ng presyo ng bigas na kaagad nakaapekto sa mga mamimili.
“Ako po sa aking pag-iisip ang aking pag-approach pagka dumating sa ekonomiya ay nais kong… hangga’t maari ay ayaw kong pakialaman ang merkado at pabayaan natin that the market do its work ngunit pinapakialaman na ang merkado natin kaya kailangan pumasok ang pamahaalan at ito nga ang aming ginawa at tayo ay naglagay ng price ceiling para sa presyo ng bigas,” aniya pa rin.

Nauna rito, inaprubahan na ni Pangulong Marcos ang rekomendasyon na magpataw ng mandated price ceiling sa bigas sa buong bansa para matiyak ang makatwiran at accessible na presyo sa gitna ng nakakaalarmang pagtaas sa retail price ng bigas sa mga palengke.

Nakasaad sa Executive Order No. 39 na ni­lagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin na may petsang Agosto 31, na P41 na lamang kada kilo ang presyo ng regular milled rice habang ang mandated price cap para sa well-milled rice ay nasa P45 kada kilo.

Inilabas din ito kasunod ng sectoral meeting noong Agosto 29, kung saan binigyang-diin ang kalagayan ng mga hakbangin ng pamahalaan upang matiyak ang sapat na suplay ng bigas sa bansa.

Gayunman, tiniyak ng Pangulo na may plano ang pamahalaan para sa mga rice retailers na apektado ng pagpapataw ng price ceiling.

“Naunawaan namin kaagad mula sa simula ng usapan tungkol sa price control sa bigas, naunawaan na namin at nakita kaagad na mayroong mga retailer na maiipit dahil sila ay bumili ng mahal na bigas,” ayon sa Punong Ehekutibo.

“Ngayon ay mapipilitan sila na ipagbili ang mahal na bigas sa murang halaga. Alam namin yun kaya gumawa kami, meron kaming plano,” dagdag na wika nito. Kris Jose